Isang Dekadang Himig at Musika ng Koro Bangkal Magbikin

“Mahirap ang maging mahirap, ngunit mas mahirap ang walang pangarap.”

Bagama’t laganap na ang teknolohiya at modernong transportasyon, may mga iilang sitio pa rin na hindi pa lubusang naaabot ng mga kaunlaran. Dito, payak ang pamumuhay, limitado ang suplay ng tubig, at hindi ‘sing daling matamasa ang anila’y isang karapatan -ang edukasyon.

Isa ang Barangay Bangkal sa Bayan ng Abucay sa mga lugar na hindi pa lubusang nasisinagan ng modernisasyon. Karamihan sa mga residente rito ay katutubong Aeta na pamumundok ang pangunahing ikinabubuhay.

Bibihira man natin silang masilayan sa mga nayon, ngayon ay unti-unti nilang kinukulayan ang mga pangarap na sinimulang iguhit sa kanila ng tadhana.

Pag-usbong ng mga mala-anghel na tinig

Sampung taon na ang nakalilipas nang itatag ang Koro Bangkal Magbikin. Nadiskubre sila nina Gng. Victoria Garcia at Dr. Carol Banzon na noo’y panauhin sa pagtatapos sa mababang paaralan sa kanilang lugar.

Ani Gng. Garcia, nabighani siya sa ipinamalas na galing sa pag-awit ng ilang kabataang Aeta kaya’t agad nilang napagpasyahang magtatag ng koro. Mapalad at nakatagpo sila ng mahusay na tagasanay sa katauhan ni G. Nesty Enriquez na simula’t sapul ay siya nang humawak sa mahigit 50 kabataang Aeta na naging miyembro ng koro.

Adhikain ni Gng. Garcia na mapagtapos sa pag-aaral ang mga batang ito sa pamamagitan ng suportang pinansyal na malilikom mula sa mga pagtatanghal na magagamit sa pang-araw-araw nilang gastusin sa eskwela. Sa ngayon, may ilang miyembro na ng koro ang naglakas loob na pumasok sa pamantasan upang kumuha ng kursong kanilang pinapangarap. Sa pamamagitan ng kanilang tinig, hangad ng mga kabataang Aeta na makamit ang kanilang tagumpay, gayundin ng kanilang mga magulang upang hindi nila danasin ang hirap ng buhay sa hinaharap.

Ang Koro sa entablado

Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang mga kabataang Aeta ng Bangkal ay ngayo’y gumagawa ng pangalan sa larangan ng musika. Sa katatapos lamang na konsyerto ng Koro Bangkal Magbikin noong Abril 8, ipinamalas ng mga babaeng kabataang Aeta ang kanilang galing sa pag-awit.

Ang konsyertong ito ay tunay na makasaysayan dahil bukod sa ito ay bilang pasasalamat sa kanilang ika-10 taon, idinaos ito sa Las Casas Filipinas de Acuzar at dinaluhan ng mga bigating panauhin, kabilang ang batikang mang-aawit na si Aiza Seguerra na naghandog rin ng ilang
awitin.

Sa pagkakataong iyon, nasaksihan ng mga manonood ang kultura ng mga katutubong Aeta sa pamamagitan ng mga Hayaw o sayaw na kanilang isinasagawa bilang tradisyon. Mayroong hayaw para sa pangingisda,pagtatanim, panliligaw, at pasasalamat. Libangan din nilang gayahin ang mga hayop kaya’t mayroong hayaw na gaya ng isang isda, hipon, o unggoy, at hayaw na tila sila’y inaatake ng bubuyog.

Mapa makabayan, kultural, o moderno mang awitin, pinatunayan ng mga kabataang ito ang kanilang galing sa pag-awit at sayaw. Ngunit ang talagang pumukaw sa damdamin ng mga manonood ay ang bahagi kung saan isa-isa nilang inilahad ang kanilang mga pangarap sa buhay.

Mayrooong nais maging guro, nars, doktor, negosyante, beauty queen, at maging CEO ng isang kumpanya. Mulat man sa pamumuhay na salat sa yaman, natuto silang mangarap ng malaki at tupdin ito paunti-unti gamit ang sariling galing at talento.

Marahil ay minsan na nilang natanong sa kanilang sarili kung bakit tila ang mundo ay dinisenyo para sa mga unat at kayumanggi. Marahil din ang ilan sa kanila’y maagang tinanggap ang habambuhay napagkakabilanggo sa bayang kanilang sinilangan at sa kulturang mayroon sila. Maaaring sa mata ng iba ay kuntento na sila sa kung anumang tulong ang matanggap nila o ‘di kaya’y masaya na sila sa maliliit na bagay. Ngunit para mga makabagong katutubong Aeta ng Bangkal, walangpangarap ang sadyang nakalulula kung ito’y pagsusumikapan at
hahangarin nang may pananalig.

Live Search