Matapos ang halos limang dekada ng pagkawalay, nasilayan ng mga taga Abucay ang pagbabalik ng kanilang minamahal na banal na imahen na si Apo Antin, o ang San Pedro Martir de Verona. Ang ika-18 siglong imahen at reliko ay tuluyang naibalik sa kanyang tahanan sa Parokya ng Santo Domingo de Guzman kasabay ng pagdiriwang ng kanyang kapistahan.
Sinalubong ito ng mga taga-Abucay sa pamamagitan ng isang tradisyunal na Sambalekatungtong, isang sinaunang rituwal na sayaw panrelihiyon na sumisimbolo sa malalim na debosyon at pasasalamat. Sa bawat indak at kumpas, dama ang pagbabalik hindi lamang ng isang imahen, kundi ng pag-asa, pagkakaisa, at muling pagsibol ng pananampalataya.
Dumalo rin sa makasaysayang okasyong ito ang mga kinatawan ng National Commission for Culture and the Arts bilang pagkilala sa kahalagahan ng imahen, na isang pambansang yamang pangkultura. Nakiisa rin sina Bokal Doc Bong Galicia, Bokal Popoy del Rosario, Bokal Harold Espeleta, Mayor Erik Martel at Provincial Administrator Alice Pizarro.