Ito ay matapos na aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2275 o mas kilala bilang Iskolar ng Bayan Act of 2014 na akda ni Senate Majority Floor Leader Alan Peter Cayetano at inisponsor ni Sen. Pia Cayetano, Chairperson ng Committee on Education, Arts and Culture, na naglalayong mabigyan ng mas mataas na kalidad ng edukasyon ang mga mahihirap at mahuhusay na kabataan.
“Binilisan natin ang pagpasa nito, upang sa susunod na pasukan ay maging ganap na batas na ito at mapakinabangan ng ating mga kabataan. Sa batas na ito, kahit mahirap ka, basta magaling ka, ikaw ay may laban na makapasok nang libre sa mga state universities and colleges,” ani Senate President Franklin Drilon matapos na maipasa ang nasabing panukalang batas kamakailan.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, sinabi ni Cayetano na ang top 10 public high school students sa kanilang graduating class ay mabibigyan ng automatic admission sa mga State Universities and Colleges (SUCs) na kanilang pinili sa loob ng kanilang probinsya o kalapit lalawigan depende sa laki o sukat ng SUCs at kursong iniaalok nito.
Gayunpaman, hindi kabilang ang University of the Philippines (UP) sa listahan ng SUCs dahil sa “institutional autonomy” nito bilang pambansang unibersidad maliban lamang kung maglalabas ito ng kanilang sariling scholarship program para sa top 10 public high school students.
“It is an unfortunate fact that college education is out of reach of majority of the Filipinos,” ani Cayetano kung saan tinukoy nito ang isang pag-aaral na isinagawa ng Department of Education (DepEd) na nagpapakita na sa may 45 estudyante na nakatapos sa high school, tanging 26 lamang sa kanila ang nakakapag-enrol sa kolehiyo. Lumitaw din sa pag-aaral na ang pangunahing dahilan ng mababang turn-out ng mga nag-eenrol sa kolehiyo ay ang mataas na halaga ng edukasyon.
“The youth are either employed or would rather search employment. The quality of higher education must be more accessible to the students”. Kapag naging ganap na batas na ang nasabing panukala, ang mga iskolar, bukod sa libreng matrikula ay tatanggap ng textbook allowance at monthly living allowance.
“The Iskolar ng Bayan Program provides a big incentive for high school students to work hard and excel in their academics in order to rank within the top 10 of their graduating class and be afforded the benefits of this measure,” dagdag pa ni Cayetano.