Ipinahayag ng lokal na pamahalaan ng Orani sa pamumuno ni Mayor Antonio “Jon” F. Arizapa na hindi na matutuloy ang pagdiriwang ng Orani Foundation Day alinsunod sa kasalukuyang pambansang sitwasyon, payo ng pambansang pamahalaan, at bisa ng Executive Order No. 32.
Ayon sa opisyal na pahayag, bagama’t nakahanda na ang mga plano para sa selebrasyon, minabuti ng pamahalaang lokal na unahin ang kapakanan ng mamamayan at tiyaking magagamit ang pondo sa mas mahahalagang pangangailangan ng komunidad.
Sa halip na selebrasyon, ilalaan ang pondo sa pagbibigay ng subsidiya sa mga miyembro ng TODA at iba pang apektadong sektor ng transportasyon, gayundin sa pamamahagi ng school supplies, bag, at tumbler sa lahat ng mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan, upang makatulong sa paghahanda ng mga pamilya sa nalalapit na pasukan.
Sa kabila ng kanselasyon, tiniyak ng pamahalaang lokal na nananatili ang kanilang pangakong maglingkod at umaasang muling makapagdiriwang ang komunidad sa tamang panahon.