Brgy. Panilao, tinanggap na ang hamon

Handang handa na ang Barangay Panilao sa isinusulong na programa ni Bataan Governor Albert Garcia, ang “1Bataan Seal of Healthy Barangay challenge” na inilunsad noong ika-18 ng Hulyo sa Louis Resort.

Sa isang panayam sinabi ni Punong Barangay Rolando G. Artuz ng Panilao na kahit na nagsagawa na ng validation sa kanilang Barangay ang Provincial Health Office noong nakaraang buwan ay patuloy pa rin ang kanilang paglilinis ng kailugan, mga estero para puksain ang mga mapaminsalang lamok at mahigpit ding ipinatutupad ang pagtatali ng aso ng mga residente.

Nakikipag-ugnayan din sila sa kanilang health center para pangalagaan ang kalusugan ng mga Senior Citizens, mga buntis at maging ang mga kabataan.
Lumahok din ang konseho ng Panilao sa mga priority projects ng Pamahalaang Panlalawigan gaya ng 1M41B kung saan 100 puno ang kanilang naitanim sa Barangay Liyang.

Mahigpit din nilang ipinatutupad ang paghihiwalay ng basurang nabubulok at hindi nabubulok.
Naglaan si Governor Garcia ng halagang Php50 libo bilang insentibo kada buwan sa bawa’t barangay na makapagpapatupad ng mga panuntunan ng nasabing challenge.