banner

Balanga City Education Summit 2014

Written by
  • Nerlie L.
  • 9 years ago

BALANGA CITY, Bataan – Kaugnay ng adhikain ng pamahalaang panlungsod na maging World Class University Town ang Balanga City sa taong 2020, muling pangungunahan ni City Mayor Jose Enrique “Joet” Garcia III ang ika-6 na taong Education Summit bukas (Agosto 7) na gaganapin sa Grand Ballroom ng Lou-is Restaurant, Capitol Drive, Lungsod ng Balanga.

Ayon kay Mayor Garcia, prayoridad ng kanyang administrasyon na mabigyan ng “access to high quality education” ang mga estudyante sa lungsod kaya naman sinisikap din nito na magkaroon ng mahusay na pasilidad, maayos na learning environment at matiyak ang maraming job opportunities sa kanilang pagtatapos sa pag-aaral sa tulong ng Department of Education (DepEd), provincial government at ng pribadong sektor.

“Nag-focus tayo sa education dahil alam natin na kapag ang isang lugar ay makilala pagdating sa edukasyon halos lahat ng challenges at problema ay nareresolba, nariyan ang problema sa kahirapan, trabaho, kapayapaan at kaayusan. With education we are able to answer many of the problems in our society,” dagdag pa ni Garcia na magbibigay din ng kanyang inspirational message sa may libu-libong estudyante, guro at mga magulang na inaasahang dadalo sa summit.

Sa nasabing summit, magbibigay ng kanyang welcome remarks si Board Member Manuel Beltran na Chairman ng SP Committee on Education habang  ibabalita naman ni Dr. Ronaldo Pozon, OIC Schools Division Superintendent ng DepEd-Balanga City ang estado ng edukasyon sa lungsod at ilang mga programa ng kagawaran para higit na mapaangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Tatlong tanyag at mahuhusay na speakers din ang inanyayahan sa pangunguna ni Dr. Rommel Garcia, Vice Chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB) na tatalakay sa responsibilidad ng mga magulang para maiiwas ang kanilang mga anak sa masamang epekto ng droga; susunduan naman ito ni Ginoong Richard P. Nollen, Chairperson ng Project Duke na tatalakay naman sa temang “Parenting in the Eyes of a Child.”

Kaabang-abang din ang gagawing pagtalakay ni Atty. Eugenio H. Villareal, Chairman ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ukol sa pananagutan ng mga magulang at mga guro para sa “Matalinong Panonood ng Pamilya.”

Magbabahagi rin ng kanilang best practices ang Parent Teacher Association (PTA) ng Bataan National High School (BNHS) at ang City of Balanga High School (COBHS).

Kasabay ng naturang Summit ang induction ceremony ng General School PTA officers sa lahat ng pre-elem at grade schools sa Districts I and II at Homeroom PTA presidents ng COBHS at BNHS na pangungunahan ni Mayor Garcia bilang inducting officer. 

Ipinaliwanag pa ni Garcia, na isang multi-awarded at world-class city mayor, na pangunahing layunin ng taunang education summit, bukod sa panunumpa sa tungkulin ng mga bagong PTA officers ay ang magkasama-sama ang lahat ng mga guro at magulang para matuto sa tulong ng kanilang mga iniimbitahang panauhin  para magsalita ukol sa edukasyon, sa pamilya, sa katungkulan ng magulang sa kanilang mga anak lalo na pagdating sa kanilang pag-aaral.

Article Tags:
·
Article Categories:
Education

Comments are closed.

Shares