Mas mahigpit na batas vs. paninigarilyo, isusulong ni Mayor Joet

BALANGA CITY,  Bataan —-  Hinikayat ni City Mayor Jose Enrique Garcia III ang mga kasapi ng League of Cities of the Philippines (LCP) na magkaroon ng smoking regulation para sa mas mahigpit na implementasyon ng pagbabawal sa paninigarilyo na aniyaý ‘biggest killer’ kung saan 10 Pilipino ang nasasawi kada oras dahil lamang sa paninigarilyo.

Sa isang press briefing,  sinabi ni Garcia na isa sa naging commitment niya sa kanyang pagdalo sa Global Tobacco Control Leadership Program sa Johns Hopkins University  sa Baltimore, Maryland, mula Hunyo 7-22, na dinaluhan din ng 109 students mula sa may 25 bansa sa iba’t ibang panig ng mundo, kung saan siya lamang ang nag-iisang Pilipino, na bilang miyembro ng LCP ay isusulong niya na magkaroon ng local ordinance ang may 144 na lungsod sa bansa para magkaroon ng ngipin ang pagpapatupad ng batas laban sa paninigarilyo.

“Sama-sama lahat ng cities na maging champion on anti-smoking to help other cities para sa mahigpit na implementasyon ng batas,” ani pa ng world-class city mayor.

Sa naturang 2-week comprehensive leadership program na nakatuon sa pagbalangkas ng mga epektibong istratehiya para sa tobacco control, sinabi ni Garcia na natuklasan niya na isang epidemya ang paninigarilyo na maituturing na ‘single biggest killer’ sa nakalipas na 50 taon dahil hindi bababa sa 90,000 Pilipino ang namamatay kada taon o 10 pinoy bawat oras ang nasasawi bunsod ng smoking-related diseases. 

Anya, bagamat isang seryosong problema ang paninigarilyo, tiwala ang alkalde na mayroong solusyon para rito kung ang lahat ay makikipagtulungan para mapigilan ang paninigarilyo dahil sa masamang epektong idinudulot nito sa ating kalusugan.

Idinagdag pa nito na isa sa epektibong paraan para mapigilan ang paninigarilyo bukod sa graphic warning sa mga pakete ng sigarilyo ay ang pagpapakita o testimonya ng mga totoong tao na nagkasakit at nagdurusa dahil sa sigarilyo.

Una nang iniulat ni Garcia, na isang multi-awarded city mayor at isa rin sa tumanggap ng   Presidential Lingkod-bayan award noong 2012, na simula nang kanilang ipatupad noong 2008 ang anti-smoking ordinance ng lungsod ay nakapagdulot ito ng kaginhawahan sa mga Balangueño kung saan noong 2012 ay bumaba sa 1.80 kada 1,000 tao ang mortality rate dahil sa smoking-related diseases.

Naging Hall of Famer rin ang Balanga City Government sa Red Orchid Award ng Department of Health (DOH), pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng nasabing ahensya dahil sa pagkakaroon ng 100% smoke free environment.