Ika-230 kaarawan ni Balagtas, ginunita

ORION, Bataan – Hinandugan ng paggalang ang mga labi ng tinaguriang Bayani ng Harayang Filipino na si Francisco “Balagtas” Baltazar sa paggunita sa kanyang ika-230 kaarawan sa Pambansang Kampong Balatas sa bayang ito, Abril 2.

Inalayan si Balagtas sa naturang paggunita ng 21 gun salute at mga bulaklak mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, mga ahensya, institusyon, at organisasyon kabilang ang Kagawaran ng Edukasyon, Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at National Book Development Board (NBDB).

Hinandugan naman si Gobernador Albert Garcia ng komplimentaryong kopya ng mga akda ni Balagtas mula sa KWF at katuwang ang iba pang kawani ng pamahalaan ay binisita nila ang Aklatang Balagtas kung saan matatagpuan ang talaangkanan o family tree nito.

Sa bisa ng Proklamasyon Blg.964 ni Pangulong Fidel V. Ramos noong taong 1997, ang Abril 2 ay ipinahayag bilang “Araw ni Balagtas” kasabay sa noo’y ika-209 na kaarawan nito.

Samantala, sa taong ito unang idineklarang special non-working day ang araw ni Balagtas na tubong Bulacan ngunit matagal namalagi sa Probinsya ng Bataan at nagsilbi pa ritong kawani ng lokal na gobyerno.

Kaugnay rito, idineklara rin ang buwan ng Abril bilang Buwan ng Panitikang Pambansa sa bisa ng Proklamasyon Blg. 968 sapagkat sa buwang ito inaalala ang anibersaryo ng kapanganakan at kamatayan ng iba pang mga haligi ng panitikang Filipino tulad nina Emilio Jacinto, Paciano Rizal, Nick Joaquin, Edith Tiempo, at Bienvenido Lumbera.

Ang pag-aalaala sa kapanganakan ni Balagtas at pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Pambansa 2018 ay magtatagal mula Abril 2-4 na kinapalolooban ng mga programa gaya ng Harayalimpiks (patimpalak sa tula, sanaysay, at pagtuturo), mga sesyong plenaryo, pangkulturang pagtatanghal, at gabi ng Solidaridad.