Samal
Lahing Intsik
Sinasabi na ang mga unang tao sa Samal ay may pagkalahing-Intsik. Kung magbihis at kumilos daw ang mga ito ay siyang-siya ng mga Intsik. Araw-araw na lamang umano ay mga naka-kamisa de chino ang mga kalalakihan at mga pantalong de-kulay ang mga kababaihan. Subalit noong dumating ang mga Kastila ay Samal, ang mga tao ay madalas nang ihalintulad sa mga Kastila. Mahilig umanong magbihis nang maganda ang mga tao, lalaki o babae man.
Anu’t ano pa man ang itawag sa mga taga-Samal, ang masabing sila’y masisipag na mamamayan ay isang katotohanan. Nasisiyahan sila na matawag bilang magsasaka dahil ikinararangal nila ang pagbubungkal sa lupa na nagbibigay sa kanila ng malaking biyaya araw-araw. Gayundin naman ang pagmamalaki ng mga mangingisda.
Maghihimagsik
Noong panahon ng mga Kastila ay nagawang makapagtatag ng Katipunan ang ilang taga-Samal tulad nina Baldomero Gutierrez, Jose Joson, Mariano Siasat, Sr., at iba pa. Sila ang nanguna para lusubin ang kuwartel ng mga Kastila sa Samal noong Mayo 1898. Kinailangan pa nilang tangkaing sunugin ang simbahan si Santa Catalina de Siena para lang mapasuko ang mga Kastila at mga kasamang nilang Kapampangan.
May ilang taga-Samal ang binawian ng buhay sa labanang ito. Subalit sa dulo ay sumuko rin ang mga Kastila. Dahil naman sa matinding galit sa mga Kapampangan na kasapi ng hukbong Kastila at sunod-sunod nilang pinagpapatay ang mga ito sa patyo mismo ng simbahan. Ang mga Kastila ay kanilang ipinadala bilang bilanggo kay Heneral Emilio Aguinaldo sa Cavite.
Liberasyon
Pagdating ng American Liberation Forces sa Bataan ay agad na nahirang bilang alkalde ng Samal si Armando L. Abad. Pinalitan niya si Artemio Saldana na nagsilbi sa Samal sa panahon ng Japanese Occupation. Noong 1946, matapos na hindi makapagdaos ng halalan ay pinalitan ni Apolonio Nañasca si Armando Abad bilang bagong mayor.
Noong magtatapos ang 1947 ay nagdaos ng halalang pambansa. Si Melchor R. Guevarra naman ang nahalal na alkalde ng Samal. Siya ay muling nahalal noong 1952.
Katoliko at Aglipay
Malakas ang impluwensiya ng relihiyon sa mga taga-Samal. Bukod sa Romano Katoliko, ang pangkat ng mga Aglipayano ay nagawa ring magparami ng kanilang mga kaanib sa naturang bayan. Si Obispo Gregorio Aglipay ang lider ng sekta.
Nagsimula ang pag-usbong ng mga Aglipayano sa Samal noong 1930 dahil lamang sa isang maliit na sigalot. Lumala ito at sa dulo’y nahati ang mga mamamayan. Ito ay sinamantala naman ng mga pinuno ng Philippine Independent Church (Aglipay) na unang nakapagtatag ng samahan at nakilala sa Balanga.
Hanggang sa kasalukuyan, sa dinami-dami ng iba’t ibang samahan ng relihiyon na lumitaw sa Samal ay pumapangalawa pa rin sa mga Katoliko ang bilang ng mga kasapi ng Aglipay.
Progreso
Malaki ang iniunlad ng Samal sa larangan ng negosyo. Kahit katatapos pa lamang ng giyera, nakilala na ang Samal bilang unang bayan sa Bataan na nagawang makapaglunsad ng mga inuming-pampalamig o softdrinks. Sa Samal mismo ginawa ang mga inumin tulad ng “Sarsaparilya” at iba pang lasa at timpla tulad ng lemonade, orange, strawberry at cream soda. inumin na gawa ng Mabuhay Softdrink Bottling Company at Deliciosa Bottling Company.
Dahil sa mga inuming ito ay naitatag sa Samal ang unang pagawaan ng yelo na pag-aari ni Joaquin Ma. Joson, isang kilalang megosyante sa lalawigan. Pati ang paggawa ng bakya ay sinasabing sa Samal din nagsimula at nagaya na lamang ang ibang bayan.Ang negosyo sa pagbuburda (embroidery) at paggawa ng ararong biskwit ay natutuhan din ng mga taga-Samal.
Ngunit higit sa lahat, ang mga taga-Samal ang nagpanimula at nagpakahusay sa paggawa ng mga bintana at pinto na yari sa kapis. At wala ng ibang bayan na sumunod dito dahil sa dagat ng Samal lamang sa buong Bataan nabubuhay at inaani ang seashell na kapis.
Himala ng Santa
Si Sta. Catalina de Siena, ang patrona ng Samal, ay sinasabing isang milagrosang santa. Dati-rati ay siya umano ang patrona ng bayan ng Orani. Pero marami ang naniwala na hindi niya nagustuhan ang nasabing lugar.Kaya isang gabi ay bigla na lamang nagulantang ang mga tao nang makita siyang “naglalakad” magmula sa Orani papuntang Samal.
Nagprotesta ang mga taga-Orani sa pagkawala ng kanilang imahe kaya ibinalik na lamang ng mga taga-Samal ang “santang milagrosa.”
Sa hindi malamang dahilan ay muli na namang “nagtanan” ang santa at naglakad pabalik sa Samal. Sa pagkakataong ito ay hinayaan na lamang siya ng mga taga-Orani na manatili sa Samal.
Alamat ng Tiwala
Sa isang lugar sa Samal ay may isang grupo ng mga magbubukid na nagkasamang magtrabaho sa hulo. Pagdating ng hapon ay sama-sama rin silang nagbalik sa bayan para doon magpalipas ng gabi, sa piling ng kani-kanilang pamilya. Ngunit hindi na nila iniuwi sa bahay ang mga kagamitan nila sa bukid.
Kinabukasan ay nagbalik sila sa bukid. At natagpuan nilang naroon at kumpleto pa rin ang kanilang mga kagamitan. Nangyari ito sapagkat sila-silang magkakasama ay nagtitiwala sa bawat isa.
Alamat ng Lalawigan
May isang baryo sa Samal na kung tawagin ay Lalawigan. Dati-rati ay isa itong kagubatan kung kaya’t wala halos isa man na naninirahan dito. Takot tumira ang mga tao dito dahil madilim at malungkot kung gabi ang nasabing lugar. May paniwala din sila na kung dito sila titira ay malamang na “hindi lumawig ang kanilang buhay.”
Kaya naman noon pa ay nakilala na ang nasabing lugar bilang “Lalawigan.”
Ang mga mamamayan ng baryo ay karaniwan ng mga Tagalog. Subalit noong panahon ng giyera, ang mga tao ay lumikas sa Pampanga at Bulakan. Marami sa kanila ang nakapag-asawa ng mga Kapampangan. Kaya nga nang magbalikan na ang mga tao sa Samal ay hindi naiwasan na may halo ng Kapampangan ang salita ng mga taga-Lalawigan.
Calaguiman
Ang Calaguiman ay isang malaking baryo sa Samal. Ito ang unang baryo na masusumpungan pagkalampas ng Mabatang magmula sa kabayanan ng Abucay.
Dati-rati,ang Calaguiman ay binubuo ng isang lansangan lamang – ang lumang provincial road. Ngayon, ang nasabing daan na tinawag na San Vicente Street ay isa na lamang eskinita na sarado ang magkabilang dulo. Kahit ang isang karetela ay hindi na makakayang magdaan dito matapos na kamkamin ng ilang residente ang bahagi ng lumang daan.
Ang pumalit sa dating daan ay ang Bataan National Road.
Talagang malaki ang ipinagbago ng Calaguiman. Kung dati-rati’y patimog ang agos ng tubig ng Calaguiman River (patungong Mabatang), ang ilog ngayon ay paderetso na agad sa dagat. Kahit ang ilog na dating pinagdaraanan ng mga putol na kahoy sa bundok patungong Mabatang ay hindi na rin makita matapos matakpan ng national road.
Wika
May kakaibang katangian ang Baryo Calaguiman. Dito ay dalawang salita ang ginagamit ng mga tao: Tagalog at Kapampangan.
Ang mga taong naninirahan sa hilagang bahagi ng baryo ay gumagamit ng wikang Tagalog. At ang mga naninirahan sa katimugan ay gumagamit naman ng Kapampangan sa kanilang bahay. Kung ang dalawang pangkat na ito ay magkita at mag-usap sa daan ay Tagalog naman ang kanilang ginagamit na salita. Samakatuwid, ang opisyal na lengguwahe sa Calaguiman ay Tagalog.
Sa Calaguiman din matatagpuan ang napakaraming sekta ng relihiyon bukod sa Romano Katoliko. Sinasabing dito nagsimula ang mga sekta ngMetodista, IEMELIEF, at Aglipayan. Meron din ditong Iglesia ni Cristo, Iglesia ng Diyos kay Kristo Hesus at iba pa. Sa Calaguiman din ginaganap ang pinakamalaki at pinakamakulay na “Senakulo” tuwing panahon ng Semana Santa.