LIMAY, Bataan – Hindi nagpabaya ang tanggapan ng Agrikultura ng lalawigan sa umano’y epekto ng fly ash at bottom ash sa mga halaman at pananim ng mga magsasaka sa mga barangay ng Alangan at Lamao, Limay.
Ayon kay Provincial Agriculturist Imelda Inieto, nang lumabas ang ganitong balita ay agad umano silang nagtungo sa mga nasabing lugar at personal na inalam sa mga grupo ng mga magsasaka kung marami nga sa kanilang mga pananim ang nasira dahil sa umano’y fly ash at bottom ash na galing sa coal fired power plant.
Malinaw umano ang sagot ng mga magsasaka, ayon kay Gng. Inieto na walang malaking epekto ang nasabing ash sa kanilang mga pananim, na ayon pa sa mga magsasaka kung meron man, ito umano ay napakaliit na porsyento at madaling solusyunan.
Ipinaliwanag naman ni Gng. Inieto na, maalam na ang ating mga magsasaka sa ngayon, alam umano nila ang aspetong teknikal sa paghahalaman at alam ng mga magsasaka kung papaano nilang poproteksyunan ang kanilang mga pananim.
Binigay na halimbawa ni Gng. Inieto ang ginagawa ng mga magsasaka para huwag maka apekto ang ash fall o mga insekto, ito umano ay nilalagyan nila ng supot na papel.
Nilinaw din ni Gng. Inieto na walang katotothanan ang napabalitang maraming nasirang pananim at mga halaman sa mga nasabing barangay dahil sa ash fall.
Ayon pa sa kanya, totong kapag nalagyan o natakpan ng ash ang mga dahon ng halaman hindi makakapasok ang sunlight na siyang nagpo produce ng chlorophyll upang maging berde ang kulay ng dahon ng mga halaman. Nakita umano nila na malulusog ang mga halaman at itoy berdeng berde taliwas sa sinasabing nasisira ang mga pananim dahil sa ash fall.