banner

P1.5-M Mangrove trail itatayo sa Balanga City

Written by
  • Nerlie L.
  • 7 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan  – Pinangunahan kaninang umaga ni City Mayor Jose Enrique “Joet” Garcia III ang ground breaking ceremony para sa proyektong  fabrication and installation ng Mangrove Trail na nagkakahalaga ng P1.5 milyon kasabay ng pagdiriwang ng pamahalaang panlungsod ng ika-5 taong Ibong-Dayo Festival sa Wetland and Nature Park dito.

Ang nasabing mangrove trail na may habang 300 metro ay magsisilbing tulay mula sa coastal line ng Barangay Tortugas kung saan matatagpuan ang Wetland and Nature Park, na kauna-unahang protected wetland park sa buong Manila Bay area, patungo sa coastal area ng Puerto Rivas at Sibacan na kabilang sa birdwatching site na idineklara ng Department of Tourism (DOT) dahil nagsisilbi itong tahanan ng libo-libong migratory birds.

Dahil sa hindi matatawarang makakapal na mangrove forests nito kumpara sa ibang lugar sa bansa, isa ito sa pangunahing dahilan bakit napakaraming ibon ang naaakit na maging ‘stop-over’ ang Balanga City ng mga migrating forest and water birds na mula sa mga bansang Russia, China, Japan, Korea, Siberia at maging sa Canada na nagsisimula tuwing buwan ng Setyembre hanggang Pebrero.

Ayon kay Mayor Garcia, dumarami ang natutuwa at nagmamalasakit para protektahan ang ating kalikasan at kapaligiran dahil na rin pinaigting na sama-samang aktibidad na isinasagawa ng pamahalaang panlungsod para pangangalagaan ang libo-libong ibon na dumadayo sa lungsod.

Kaugnay nito, pinuri ni Dr. Carmela Española, ng Institute of Biology, College of Science sa U.P. Diliman, ang lungsod ng Balanga dahil sa pagpapanatili nito ng malusog na eco-system na nagsisilbing habitat ng mga migratory at endemic birds. “What distinguishes Bataan from other biodiversity-rich provinces is the escalating citizens’ pride that they are part of this province,” ani Española sa kanyang keynote speech.

Umapela rin ito sa mga mag-aaral, kawani, bird-watching enthusiast, at mga lokal na turista na dumagsa sa Ibong-Dayo Festival na iulat ang mga illegal wild life trade at patuloy na  irespeto at protektahan ang kapaligiran at kalikasan.

Dahil sa pinaghalong aktibidad para palakasin ang turismo at ekonomiya ng lungsod ay tumanggap ng prestihiyosong “Pearl Award” sa city category ang Balanga noong Oktubre 2014 na ipinagkaloob ng Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) at ng Tourism department sa Bacolod City.

Article Tags:
·
Article Categories:
Environment · News

Comments are closed.

Shares