Ayon kay Morong Mayor Cynthia Estanislao, hindi bibigyan ng mayor’s permit ang mga may-ari ng beach resort kung kulang ang mga requirements gaya ng katibayan na malinis ang kapaligiran, maayos ang lugar, malinis na tubig at may life guard na magtatanod sa mga naliligo sa loob ng 24 na oras.
Kamakailan, pinulong ni Mayor Estanislao ang lahat ng beach resort owners sa Morong upang pag-usapan ang nakababahalang insidente tulad ng pagkalunod ng ilan sa ating mga kababayan.
Siniguro ng mga may-ari ng resorts ang pagtatalaga ng kani-kanilang life guards upang maiwasan ang mga masamang pangyayari gaya ng pagkalunod ng mga bisita. Sinabi rin ni Mayor Estanislao na kailangan din maglagay ng mga salbabida at hand held radio para makahingi agad ng tulong sa mga kinauukulan.
“Kailangang pangalagaan natin ang buhay ng ating mga kababayan na tutungo sa ating bayan para sumaya ang turismo at kalakal natin dito” saad pa ni Mayor Estanislao.