Agarang ipinasara ni Mayor Jopet Inton ng Hermosa ang isang liquid waste treatment facility matapos malantad ang hindi makatao at hindi makakalikasang waste disposal nito. Ang Udenna Environmental Corporation na diumano ay pag aari ng isang Dennis Uy ay tahasan umanong nakagawa ng mga environmental violations.
Napag-alaman na tatlong buwan na palang walang operasyon ang nasabing
planta pero patuloy pa rin umanong nagpapadala ang kanilang main office sa Manila ng mga hazardous waste, at ang mga nasabing waste ay itinatapon lang kung saan saan na direktang umaagos sa kailugan.
Lumantad sa media at mga opisyal ng bayan ng Hermosa ang may 500 drum na naglalaman ng mga liquid waste, na karamihan ay may nakasulat na hazardous waste, hospital waste at iba pang nabubulok at nilalangaw
na solid waste at may nakasusulasok na amoy dahil sa kung ilang buwan nang nakatengga doon.
Noon din ay gumawa at nilagdaan ni Mayor Jopet Inton ang isang closure order at ipinatanggap ito sa mga tauhan ng nasabing planta at nag utos na ipadlock ang nasabing Udenna Environmental Corporation.
Mariing sinabi ni Mayor Jopet Inton na patung-patong na violation sa environment at iba pang kaso ang ihahain nila sa may-ari at mga tauhan ng nasabing planta.