PILAR, Bataan – “Walang maiiwan sa bayan ng Pilar, lahat ay aangat,” ito ang pinakabuod ng mensahe ni Mayor Alice Pizarro sa katatapos na inagurasyon ng mga proyektong Negosyo Center, Bahay Silungan at ang pagkakaroon nila ng sariling dump truck, na ayon pa sa kanya, nais niyang ang kanyang mga kababayan ay ma-empower, magkaroon ng dagdag na kaalaman upang sila ay makapagbigay ng kontribusyon para mas maging matagumpay ang bayan ng Pilar.
Sinabi pa ni Mayor Alice na kanilang vision na sa taong 2020 magiging Historical Cultural Center ang bayan ng Pilar sa buong Luzon, kung kaya’t ang pagtatayo umano ng Negosyo Center ay napapanahon dahil nais niya na ang mga mamumuhunan sa kanilang bayan ay higit pang mapaunlad ang kanilang mga negosyo. Dahil sa nais niya na lahat ng mamamayan ay makaagapay at sama-samang umangat tungo sa kanilang vision.
Samantala, sa binuksang Bahay Silungan ng MSWDO, binigyang diin ni Mayor Pizarro, na ang nasabing proyekto ay temporary shelter para sa mga batang naliligaw ng landas, na hangga’t maaari ay huwag sanang magamit, sana lahat ng magulang ay magkaroon ng malasakit at alagaan ang kanilang mga anak para hindi maligaw ng landas, subalit talaga umanong kinakailangan ay nandirito ang Bahay Silungan para magbigay ng serbisyo sa nangangailangan.
Sa isang banda, nanawagan naman siya sa lahat ng kanyang mga punong barangay, na ayon pa sa kanya, “mga Kapitan, ang mahal ng binabayad natin sa pagtatapon ng basura, P1.5M ang ibinabayad natin sa hauling para maitapon ito sa Metro Clark.” nanghihinayang umano siya sa nasabing halaga (P1.5M) na kung saan sinabi niyang ang bili nila sa truck ay P5.4M, na in five years time ay bawi na nila, ngunit higit pa umano silang makakatipid kung magse-segregate ang lahat ng kanilang basura at kung makakapag-recycle para magkaroon ng pera sa basura.