Sampaguita: mabango na, may pera ka pa!

Alam ba ninyo na ang ating pambansang bulaklak  na Sampaguita ay maaaring pagkunan ng ating kabuhayan?

Narito ang kwento ng mag-asawang Ceferino at Arsenia Sanchez, tubong Puerto Rivas, Lungsod ng Balanga.

Ayon kay Mang Ceferino nagsimula silang magtanin ng 1,000 puno ng sampaguita noong taong 1994 sa palibot ng kanilang kubo sa Sityo Aquino, bayan ng Pilar na hanggang sa kasalukuyan ay kanila pang napapakinabangan.

Ayon kay Aling Arsenia na siyang nagtutuhog sa mga bulaklak ng sampaguita upang maibenta, kung susumahin aabot na umano sa daang libo ang halaga na kanilang kinita sa mga bulaklak na kanilang inilalako sa labas ng simbahan at sa Barangay Pto. Rivas tuwing araw ng Sabado at Linggo.

“Noong una ipinapalako ko sa aking mga pamangkin ang mga tinuhog kong sampaguita sa halagang P2.00 bawat isa, pero sa ngayon ibinibenta ko na lamang ang mga ito ng P1.00” dagdag pa ni Aling Arsenia.

Para naman kay Mang Ceferino, mas gusto pa niyang itanim sa kanilang bakuran ang sampaguita kaysa gulay dahil hindi raw mahirap alagaan ang halamang ito. Kahit hindi mo siya lagyan ng pataba at diligin ay mabubuhay ito.

Ang panahon o mga buwan ng pamumulaklak ng halamang ito ay sa tuwing sasapit ang tag-araw sa mga buwan ng Marso, Abril, Mayo ngunit kahit ngayong Agosto na ay namumulaklak pa din.

“Alam ba ninyo na may kaibigan akong taga Bulacan na nagtanong sa akin kung ano ang magandang negosyo, at sinabi ko namang “sampaguita”. Sinimulan niyang magtanim taong 2000 sa isang balitang na lupa. Laking gulat ko na nung muli kaming noong Pebrero 2015 habang namimili ako ng abaka na siyang ginagamit sa pagtutuhog ng sampaguita,  ay ibinalita niya sa akin na nakapagpundar na siya ng limang pinto ng apartment at napag-aaral sa kolehiyo ang kanyang mga anak”, masayang pahayag ni Mang Ceferino.

Sa mga Lungsod ng San Fernando sa Pampanga at lalawigan ng Bulacan umano pinakamaunlad ang angkatan ng mga bulaklak ng sampaguita na dinadala sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Kaya naman hinihikayat ng mag-asawang Sanchez ang ating mga kababayan na may mga lupang wala pang tanim na magtanim ng Sampaguita.