banner

2 trash boats, ibinigay ng DENR sa Balanga City at Abucay

Written by
  • Nerlie L.
  • 8 years ago

2 trash boats, ibinigay ng DENR sa Balanga City at Abucay

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Mistulang naging pamasko ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ipinagkaloob nitong trash boats sa local government units (LGU’s) ng Balanga City at Abucay na nagkakahalaga ng tig-P1.7 milyon para makatulong sa kanilang coastal clean-up drive sa Manila Bay area.

Mayroong rake-like device ang nasabing trashboats na gawa sa fiberglass para mahakot ang mga basura sa dagat at pagkatapos ay paghihiwa-hiwalayin ang mga basurang ito sa naka-on-board na sorting bins bago ito dadalhin o itatapon sa disposal facility ng Balanga City at Abucay.

Sa isang simpleng turn-over and awarding ceremony ng DENR trashboats na ginanap sa Balanga City Wetland and Nature Park sa Barangay Tortugas kaninang umaga, personal na tinanggap nina City Mayor Jose Enrique “Joet” Garcia III at Abucay Mayor Ana Santiago, na kinatawan ni konsehal Jayson Marcelo ang mini-replica ng trash boats mula kay Engr. Noel Gaerlan, director ng DENR Manila Bay Coordinating Office (MBCO).

Bago ang pagbabasbas sa dalawang trash boats na nakadaong sa dagat,  isang deed of donations ang nilagdaan sa pagitan ng mga nabanggit na opisyal, kung saan bilang donee, kailangang tiyakin ng LGU’s na may sapat na pondo at kwalipikadong tauhan ang mga ito para sa pagpapatuloy ng operasyon at maintenance ng trashboat. Dalawang beses sa isang linggo ang gagawing pangongolekta ng basura sa dagat.

Nabatid na ang pagkakaloob ng trashboats sa Abucay at Balanga City LGU’s ay bahagi ng pagpapatupad ng DENR sa Operational Plan for the Manila Bay Coastal Strategy alinsunod sa ipinalabas na Continuing Mandamus ng Supreme Court noong Disyembre 2008.

Sinabi ni Mayor Garcia na isang magandang regalong pamasko para sa pagpapaigting ng kanilang environmental awareness and protection campaign ang nasabing trash boats na mahalagang kasangkapan para kanilang magamit sa pagpapanatili ng kalinisan sa coastal areas ng lungsod.

Binanggit din ng alkalde na epektibo sa Enero ng susunod na taon ay paiiralin na nila ang full implementation ng ordinansa ukol sa waste segregation bilang pagtugon sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 kung saan ang bawat household sa bawat barangay sa lungsod ay may kontrata para sumunod ang mga ito sa tamang paghihiwalay at wastong pagtatapon ng kanilang mga basura.

Article Tags:
·
Article Categories:
Environment · News

Comments are closed.

Shares