Ayon kay Balanga City Treasurer Angelito Evangeslita, maaabot nila ang kanilang target na 12 porsyentong karagdagang koleksyon ngayong taong 2019.
Sinabi pa ni Treas. Evangelista na base sa kanilang koleksyon na Php 205 milyon noong nakaraang taon (2018) ay kailangan nilang malampasan ng 12 porsiento ang kanilang makolekta para sa kabang yaman.
Idinagdag pa ng Tresorero na nakakakolekta na sila ng Php 212.5 milyon nitong buwan ng July na halos nasa 3.60% na.
“Kaya iyong aming target na dagdag na 12 porsyento ngayong taon ay malamang na mapagtagumpayan namin dahil may inaasahan pa kaming malaking makokolekta nitong pagpasok na buwan ng Oktubre” ani pa ng Tresorero.
Ang dapat na makolekta ng Lungsod ay Php229,600 milyon para makuha ang target.
Ilan sa mga pinanggagalingan ng koleksyon ng Lungsod taun-taon ay ang Business Tax, Realty Property Tax, Market Operation at Transfer Tax.
Sinabi rin ni Evangelista na “kung nakapagbayad lang ang Robinson’s Galeria ngayong taon ng halagang Php 8 milyon ay lampas na kami sa aming target, pero dahil sa nasunog ito at kasalukuyan pang may ipinagagawa kaya hindi ito nakapagbayad”.
Isa pang inaasahan na makapagpapataas sa kita ng Lungsod ay ang pagbubukas ng Walter Mart ngayong 2019; gayundin ang SM na maaaring mabuksan sa susunod na 2020.
Matatandaang kamakailan ay nagbukas na rin ang Capitol Square at KFC dito sa Lungsod ng Balanga.