Plaza ng Abucay, nagningning

ABUCAY, Bataan – Nagningning mula sa inilawang iba’t-ibang palamuting pamasko ang plaza ng bayang ito na lalong pinatingkad ng sari-saring Christmas lights sa paligid.

Mala-reynang nakatindig ang 30 talampakang Christmas tree samantalang nakahanay naman ang tila maliliit na European cottages na may chimney, malilit na Christmas tree at ilang Santa Klaus sa harap ng matayog na Christmas tree at maging sa bubong ng stage sa plaza. “Peace on Earth”, sabi ng nakapaskel na mga titik sa ibabaw ng stage.

Namumukod din ang liwanag mula sa malaking belen sa bubong ng waiting shed, mga Christmas lights na bumabalot sa mahigit isang daang taong puno ng acacia. Lumitaw din ang magandang façade ng munisipyo dahil sa Christmas lights. Ang katabing shopping mall ay nag-ambag din ng ningning sa plaza dahil sa maganda nitong Christmas lights.

Nagmistulang laruan, kuhanan ng litrato ng nagkakatuwaang mag-aanak ang plaza at paligid. Tuwang-tuwa si Mayor Ana Santiago sa masayang pagtanggap ng mga residente at bisita sa magagandang Christmas decorations.