Harapan ng munisipyo, dinadagsa

ORANI, Bataan – Dinadagsa ng maraming tao, bata at matatanda, ang plaza at harapan ng munisipyo ng bayang ito dahil sa kaakit-akit na palamuting pamasko na inilawan noong Sabado ng gabi.

Sa harap ng plaza ay agad mapapansin ang pangalang “Orani” na binuo sa pamamagitan ng Christmas lights. Sa palibot ng plaza ay nakahanay ang iba’t-ibang disenyo ng mga parol at malalaking Nutcracker figures na paboritong kuhanan ng litrato ng mga bata.

May wari bagang carousel sa ilalim ng isang maliit na gusali sa gitna ng plaza na ang bubong ay hugis korona. Tila balag ng gulay ang maningning na Christmas lights sa malaking bahagi ng plaza.

Isang malaking Christmas tree ang nasa harap ng munisipyo na nababalot ng magagandang Christmas lights. Ang Christmas tree na may sledge at reindeer ni Santa Klaus ay matayog pa sa bubong ng second floor ng munisipyo.

Maraming batang naglalaro at nagpapakuha ng litrato sa paanan ng Christmas tree na tila may mga kuwartong butas-butas na sinusuutan ng ulo ng mga bata.

Pinangunahan nina Mayor Benjie Serrano at Vice-Mayor Bong Galicia ang pagpapailaw.