LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Kasado na ang mga checkpoints ng Commission on Elections (Comelec) sa 11 bayan at isang lungsod sa Bataan upang magpatupad ng firearms ban para sa election period.
Personal na pinangasiwaan ng mga hepe ng pulisya ng bawat bayan ang unang araw ng election gun ban tulad nina P/Supt Joel Tampis ng Balanga City at P/Senior Insp. Karl Jayson Dela Cruz ng Abucay.
Ang bawat Comelec checkpoint ay may signboard na may pangalan ng municipal election officer at chief of police. Ang mga checkpoints ay matatagpuan sa maliwanag na lugar, naka-uniporme at magagalang ang mga pulis.
Bukod sa pagpapatupad ng election gun ban, sinamantala na rin ng pulisya ang pagsusuri sa papeles ng mga dumaraang motorsiklo at pagpapaalala sa rider at kaangkas kung may paglabag man tulad ng kawalan ng crash helmet, maingay na muffler at iba pang violations.
Wala pang report na may nakumpiska nang baril o matatalim na bagay sa alinmang Comelec checkpoint sa mga bayan ng Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Abucay, Pilar, Orion, Limay,
Mariveles, Bagac, Morong at Lungsod ng Balanga.
Mananatili ang mga Comelec checkpoints mula ika-10 ng Enero hanggang ika-8 ng Hunyo 2016 para sa gaganaping local at national elections sa ika-10 ng Mayo 2016.