LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Tiniyak ni Gobernador Albert S. Garcia sa mga mangangalakal na may makukuha silang mga manggagawa sakaling magtayo sila ng negosyo sa lalawigan. Ito ang pahayag ng Gobernador sa mga mamamahayag sa isang press conference na idinaos sa kanyang tanggapan kamakailan lang.
Idinagdag pa nya na sa laki ng bilang ng mga kakailanganing manggagawa, maganda na maaga pa ay may pakikipag-ugnayan na tayo sa mga investors upang malaman na natin kung ano ang mga requirements nila”.
Ayon pa rin kay Gob. Garcia kapag nalaman nila kung anong uri ng kumpanya ang papasok sa probinsya, agad na makakikilos ang PESO upang makapag locate ng mga interasado at kwalipikadong aplikante na akma sa naturang trabaho.
Idinagdag pa ng Gobernador na ang TESDA ay nagbibigay ng mga trainings para mapaghandaan ang mga trabahong darating sa Bataan.
Kaugnay ng kaganapang ito, tiniyak din ni Gob. Garcia na halos aabot sa halagang 2.4 bilyong piso ang irerelease na pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa paghuhukay ng mga kailugan ng Gumain River na tutuntunin ang kailugan ng Lubao, Dinalupihan at Hermosa na tatagos sa Manila Bay sa karagatang bahagi na sakop ng Hermosa at Orani. Kasama sa pagawaing ito ang dredging, paglalagay ng tulay, desilting, at paglalagay ng mga dike.
Ang layon ng pagpapalalim ng mga kailugan ay upang maibsan na ang pagbaha sa mga bayang nabanggit bilang paghahanda sa tuwing panahon ng tag-ulan. Paliwanag ng Gobernador na taun-taon irerelease ang nasabing pondo hanggang sa matapos ang proyektong ito.
Ipinahayag pa ni Garcia na kapag naibsan ang pagbaha sa nasabing lugar, malaki ang maitutulong nito sa tuluy-tuloy na pagsulong ng ekonomiya sa ating lalawigan.