Libreng bangka para sa mahihirap na mangingisda

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Personal na ipinagkaloob ni City Mayor Francis Garcia ang isang fiber glass fishing boat sa walong mahihirap na mangingisda sa Lungsod nitong nagdaang ika-30 ng Agosto..

Ayon kay Mayor Garcia ang walong mahihirap na mangingisdang ito na walang ibang pinagkakakitaan ay nabigyan ng nasabing bangka upang maiangat ang kanilang pamumuhay.

 

Idinagdag pa ni Garcia na bukod dito plano ng kanyang tanggapan na palakasin pa ang lagay ng kabuhayan ng kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga serbisyong pangkaunlaran.

 

Samantala sinabi ni City Agriculturist Nerry Mateo na lumagda sa  isang kasunduan ang City Agriculture at ang walong mangingisda na gagamitin nila mismo ang bangka para sa kanilang pansariling pangangailangan at hindi nila maaaring ipagamit sa iba.

 

Tutulong naman ang Balanga Fisherfolks Association at ang City Agriculture Office upang ang mga mangingisdang ito ay maging accredited sa Sangguniang Panglunsod at para mairehistro na  rin sa Department of Labor and Employment.

 

Pinasalamatan naman ni Renato Dionisio, mangingisda at tagapag salita ng grupo si City Mayor Francis Garcia sa tulong na natanggap, anila ito na ang simula para mabago at umunlad ang pamumuhay ng kanyang pamilya at kapwa mangingisda.