Supplemental feeding, patuloy pa rin sa Balanga

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Patuloy na ipinatutupad ng City Social Welfare Development Office ang Supplemental Feeding program para sa mga batang mag-aaral sa 29 na Day Care Centers sa lungsod.

Ayon kay Gng. Gloria Abejar, hepe ng City Social Welfare Development Office, patuloy ang nasabing programa dahil sa magandang epekto nito sa kalusugan ng mga bata.

 

Sinabi pa ni Abejar na positibo ang reaksyon ng mga magulang na may mga anak na mag-aaral sa Day Care Centers, lalo na at sila mismo ang namamahala mula sa pamamalengke hanggang sa pagluluto ng mga inihahaing pagkain sa mga bata araw-araw, alinsunod sa menu na may nutritional value.

 

Masaya ding ibinalita ni Abejar nanguna ang Lungsod ng Balanga sa Region 3, maging sa National dahil sa 100 percent accreditation ng mga Day Care Centers at Day Care Workers, 100 percent plantilla Day Care Workers at 100 percent na naka pag-establish ng aircondition sa 29 na Day Care Centers na may kasamang TV set, indikasyon umano na naabot nila ang standard ng Department of Social Welfare and Development.

 

Ang programang ito ay sinimulan ni dating City Mayor Joet Garcia na ngayon ay 2nd District Congressman at patuloy namang sinusuportahan ni City Mayor Francis Garcia. Ang pondong umaabaot sa P2.8 milyon para sa programang ito ay nanggagaling sa national government.