NBI Bataan office, pormal nang binuksan

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Pormal nang binuksan ang NBI Bataan Satellite Office sa pamamagitan ng isinagawang pagbabasbas at ribbon cutting kahapon ng umaga sa Capitol Compound na pinangunahan nina NBI National Director, Atty. Dante Gieran, Regional Director NBI Region lll Atty. George Jularbal, Bataan Governor Albert Raymond Garcia at Rev. Fr. Lydes Pomer.

“Nang hilingin ni Gov. Garcia na gusto niyang magkaroroon ng NBI Satellite Office sa Bataan ay walang kagatol gatol kong inaprobahan agad dahil ang NBI ay committed to bring the people closer to the government thru the services and this is the reason why the NBI established 90 satellite offices in the entire country” saad ni Atty. Gierran.

Sinabi naman ni Gov. Garcia na ang pamahalaan ay narito upang pagandahin at palawigin ang buhay ng mga tao. Ngayong may NBI satellite office na dito, hindi na pupunta pa ng San Fernando o Olongapo City ang mamamayan, pagdating doon pipila sila pagkatapos ang biyahe ng mahigit isang oras, at kung minalas malas pa baka maaksidente pa.

Ipinakita ni Gov. Garcia sa mga panauhin at media ang mabilis na proseso sa pagkuha ng NBI clearance.

“Kapag natapos na ang ginagawang Bunker Building sa likod ng Kapitolyo ay magkakaroon na tayo ng One Stop One Shop kung saan pagsasama-samahin natin sa isang gusali ang lahat ng local at national government agencies para isa lamang ang pupuntahan ng ating mga mamamayan; mas lalong bibilis ang transaksyon, mawawala ang red tape at lalong magiginhawahan ang ating mga mamamayan” dagdag na pahayag pa ng butihing gobernador.

Samantala, “mapalad ang lalawigan dahil sa NBI Satellite Office dahil malaking tulong ito sa lahat ng kukuha ng NBI clearance”, ito ang naging reaksyon ni P/Supt. Joel K. Tampis, Hepe ng Balanga City Police Station.