200 special children, pinasaya

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Matagumpay at masayang nairaos ng mga opisyal ng Organization of Concerned Citizens for Special Children, Inc. ang kanilang programang Share a Gift this Christmas na ginanap sa covered court ng Barangay Dona Francisca ng lungsod na ito nitong Sabado, ika-9 ng Disyembre 2017.

Ayon kay Gng. Amelia C. Pruna, presidente ng asosasyon, ang proyektong ito ay taun-taon nilang ginagawa para mabigyan pansin ang mga batang may mga kapansanan.

Sinabi pa ni Pruna na mahigit sa dalawang daang (200) bata kasama ang kanilang mga magulang at guro mula sa pitong bayan ng lalawigan ang dumalo sa nasabing pagtitipon.

Sa mensahe naman ni Engr. Enrico Yuzon ng Provincial Engineering Office, kasama ang mga batang ito sa mga programa ni Gob. Albert Garcia, na bagama’t ganyan ang kanilang kalagayan ay kailangan maranasan din nila ang tinatamasang pag-ulad ng ating lalawigan.

“Natutuwa ako na may mga matiyaga na mga magulang at guro na gumagabay sa kanilang paglaki at maturuan sila ng hanapbuhay na ayon sa abot ng kanilang kakayahan” ayon pa Engr. Yuzon.

Samantala pinamunuan naman ni Gng. Lucille Marie Sanchez-Wilson, kalihim ng grupo, ang palaro para sa mga bata kasama ang kanilang mga magulang at guro.

Kaugnay nito pinasalamatan ni Gng.. Pruna ang Jollibee na pagmamay-ari ni Consul Eddie de Guzman at lahat ng mga tumulong upang matagumpay na maidaos ang naturang programa.