LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Isang simpleng hapunan bilang pasasalamat ang inihandog ni Gob. Abet Garcia sa koponan ng Bataan Risers sa pamumuno ni Team Manager Engr. Bong Zubiri at Coach Jojo Lastimosa na ginanap sa Fortune Seafoods Restaurant.
Ayon kay Gob. Garcia, nais niyang ipabatid sa buong koponan ang papuri at pasasalamat ng sambayanang Bataeño, na tuwang tuwa sa ipinakikita nilang sigasig at tagumpay sa ngayon.
Dagdag pa ng Gobernador, na bagama’t napakaganda ng ipinakikita nilang laro sa ngayon na kung saan ay namamayagpag ang Bataan Risers sa panalong 6-1, ay malayo pa umano ang “lalakbayin” ng grupo sa dami pa ng larong pagdaraanan.
Nguni’t binigyang diin ni Gob. Abet Garcia na mula simula hanggang huli ay 100% ang suportang ibibigay ng probinsya ng Bataan sa kanila, “bilib kami sa inyo, Idol namin kayo” sigaw ng Gobernador at higit sa lahat ayon pa sa kanya, ipinahayag nya kung gaano nila pinasasaya at pinagkakaisa ang mga mamamayan sa ibinibigay ng Bataan Risers na panalo at karangalan para sa lalawigan ng Bataan.
Sa huli ay binigyan nya ang bawat isang miembro ng Bataan Risers kasama sina Team Manager Engr. Bong Zubiri at Coach Jojo Lastimosa ng token bilang pasasalamat.