LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Di alintana ng mga mananampalataya ni “Apo Kulas” o St. Nicholas de Tolentino, patron saint ng bayan ng Mariveles, ang matinding init sa ginawa nilang pagoda at kurakul kahapon.
Nagsimula ang kasayahan sa gitna ng dagat kung saan ang imahe ni Apo Kulas ay nakasakay sa pinakamalaking bangka na napapalamutian ng mga banderitas at mga bulaklak habang ito ay ipinaparada o iniikot sa dagat bilang pasasalamat sa ibinibigay na maraming huling isda at lamang dagat para sa mga mangingisda at mamamayan ng Mariveles sa buong taon.
Samantala habang inililibot sa karagatan ang pagoda sakay ang mga deboto kasama sina Mayor Ace Concepcion at asawang si Marife gayundin sina dating Mayor Jesse Concepcion at G. Cleotilde Concepcion, ay napaliligiran ito ng napakaraming bangka na may iba’t ibang kulay, sakay pa rin ang napakaraming deboto.
Sa pagbaba ng imahe sa marina ay halos di mahulugang karayom ang dami ng mga debotong nag aabang na nagsisigawan at nagsasaboy ng tubig ngunit tuloy ang prusisyon habang nagsasayaw sa saliw ng tugtog ng banda patungong simbahan.
Bago pa man dumating ng simbahan ay nakaabang na ang trak ng bumbero at binasa ang lahat ng nagkukurakul na lalo pang nagpasigla sa lahat ng sumali na ang iba ay talagang tumatapat pa sa bomba ng tubig.
Ang nakakatuwa sa bayan ng Mariveles kung gaano kasaya at kadami ang lumahok sa kurakul ng katoliko ay gayundin sa Aglipay na dinaluhan din nina Mayor Ace Concepcion at mga kasama na di alintana ang pagod at pagkabasa bagkus bakas sa mga mukha nila ang saya at ng lahat ng sumama habang isinasayaw ang imahe sa daan at binabasa sila.
Ayon pa kay dating Ms. Mariveles at ngayo’y Tourism Dept. Head ng bayan ng Mariveles, Ms.Sharlene Versoza, nagkaroon na sila ng iba’t ibang activities tulad ng bancathon, bicycle race, trade fair at iba pa na kung saan ay itong pagoda at kurakul ang highlight ng kapistahan ni Apo Kulas.