Organic farming, nais paigtingin ng OPA

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Layon ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) na lalo pang palawakin ang kaalaman ng mga magsasaka sa lalawigan ukol sa mga makabagong teknolohiya, at isa sa mga programang kanilang isinusulong ay ang paggamit ng mga magsasaka ng organic fertilizer sa kanilang mga pananim.
Ayon kay Bb. Louie Rodis, Agriculturist II, malaking kapakinabangan kung ang mga sakahan ay magiging certified organic farm, dahil base sa apat na principles ng organic farming na Health, Care, Environment at Fairness, giginhawa ang kanilang mga pamumuhay.
Kaugnay nito, kamakailan ay namahagi si Mayor Francis Garcia ng Lungsod na ito, ng mga gamit sa pagsasaka sa iba’t ibang samahan ng mga magsasaka ng Lungsod.
Ipinahayag ni Mayor Garcia na isang sagot sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa ay ang mapataas ang ani ng mga gulay at palay, mabigyan ng proteksyon ang mga magsasaka sa Lungsod na magiging daan upang maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay.