Interfaith at Peace Covenant Signing para sa mapayapang eleksyon isinagawa sa Bataan

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Nanawagan si Diocese of Balanga Bishop Ruperto C. Santos sa mga kandidato sa lokal na halalan sa Bataan na maging matapat sa kanilang pangangampanya at iwasan ang siraan at batuhan ng putik.
Ang pahayag na ito ng Obispo ay sa isinagawang province-wide interfaith prayer and peace covenant signing sa St. Joseph Cathedral sa Balanga City nitong nagdaang Sabado.
Sa naturang aktibidad ay dumalo ang mayorya sa mga local candidates ng Bataan mula sa provincial level hanggang sa municipal level para manumpa at lumagda sa integrity pledge para sa “malinis, patas at matapat na eleksyon” sa darating na Mayo ng kasalukuyang taon.
Dumalo rin sa naturang panawagan ng pagkakaisa at kapayapaan sina Bataan PNP police director, Senior Supt. Marcelo Dayag, Comelec Bataan Provincial Election Supervisor Atty. Rene Cruz, religious leaders mula sa ibang grupo ng pananampalataya at mga pangunahing pulitiko at local officials ng lalawigan sa pangunguna ni Governor Abet Garcia, Vice Governor Cris Garcia, Congressman Joet Garcia, mga alkalde, iba pang opisyal at mga kandidato sa papalapit na halalan.