LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Upang makatiyak na tahimik at payapa ang darating na halalan sa Mayo 13 ay naglagay na ng checkpoint ang mga kagawad ng Highway Patrol Group katuwang ang Police Hotline Movement Incorporated PHMI Riders Balanga at Pilar Chapters sa kahabaan ng Governor Linao Highway sa Barangay Ala-Uli, Pilar nitong nakaraang Biyernes ng gabi, ika-22 ng Pebrero.
Ilan sa mga binabantayan nila ay ang pagdadala ng droga, baril, pagkakabit ng mga led na ilaw, malakas na ugong ng tambutso, pagkakabit ng wangwang sa motorsiklo, walang plaka, walang dalang OR & CR at mga bagay na nakamamatay na nakalagay sa loob compartment ng motor.
Sa kasalukuyan, nakasabat na sila ng isang motorsiklong kinarnap at dalawang motorsiklong walang plaka, driver na walang lisensiya at walang OR/CR ang motor.
Ang mga motorsiklo ay inimpound sa compound ng Highway Patrol Group at nasampahan na ng mga karampatang kaso ang mga drivers.