Inilahad ni Mayor Aida Macalinao ng bayan ng Samal ang kanyang executive agenda na nakatuon sa pagiging “panatag, maginhawa at matatag” ng bawat pamilyang Samaleño, sa nakaraang meeting ng Legislative at Executive Council noong nakaraang Biyernes.
Sinabi ni Mayor Macalinao mahalaga ang magkaroon ng maginhawang pamumuhay ang bawat pamilya – walang nagugutom at malaya sa tanikala ng kahirapan.
Ayon pa kay Mayor Macalinao, nais niyang madama ng bawat Samaleño na mayroon silang kasama at kakampi sa bawat oras, na isang tapat na pamahalaan na magbibigay ng sapat at tamang serbisyo sa bayan. Makakamit umano nila ang nasabing vision kung sama-sama ang kanilang pagkilos, kung saan ang bawat Samaleño ay “kasali, kaisa at katuwang” sa pag aksyon tungo sa pinapangarap na matatag na bayan ng Samal.
Sa nasabing vision na nakapaloob sa salitang CARES, ito ang kanilang mga gagawin, una na rito ang Crusade for Good Governance o maayos napamamahala, malinis na pamahalaan, maayos na tanggapan, malinaw na daan; pangalawa Alleviation of Poverty – na ang bawat Samaleño ay may kakayahang mabuhay na may masayang tahanan at pamayanan; pangatlo, Resilient Community thru a better Environment- ito ay mga reporma sa pangangalaga sa kalikasan at pamayanan; pang apat, Equality for all o edukasyon sa tamang pagkakapantay pantay at pang lima, ang Sustainable Development o ang tuloy tuloy na pagbabago at pag unlad tungo sa isang matatag na bayan.