Isa sa mga lugar na dinarayo ng ating mga kababayan para dito isagawa ang mahahalagang okasyon gaya ng kaarawan, binyagan, anibersaryo at iba pang mga pagtitipon ay ang Limbagang Pinpin Museum and Resort na matatagpuan sa Barangay 2000, Capitangan, bayan ng Abucay.
Ayon kay Gng. Flora Reyes, ipinatayo umano ang naturang museum at resort ng kanyang anak na si Robie Reyes, isang International Researcher at isinunod sa pangalan ni Tomas Pinpin dahil iniidolo umano ng kanyang anak ang manunulat.
Balak ng nangangasiwa ng nasabing museum na dagdagan pa ang nakalagay na mga librong nilimbag ni Tomas Pinpin at mga lumang gamit gaya ng baril, itak at bayoneta noong World War ll sa loob ng gusali.
Nauna rito noong ika-25 ng Marso ng taong kasalukuyan, idineklara ng Lalawigan ng Bataan ang aklat ni Tomas Pinpin na may pamagat na Librong Pag-aaralan, na nalimbag noong taong 1610 bilang pinakamahalagang kultural na pag-aari sa pamamagitan ng Resolusyon Blg. 161 na nilagdaan nina Gob. Albert S. Garcia, Bise Gob. Cristina Garcia at mga kaanib ng Sangguniang Panlalawigan.