Problema ngayon sanhi ng kasalukuyang sistema

ANG mga suliranin natin ngayon sa bansa ay sanhi ng kasalukuyang sistema ng pamahalaan, ayon kay Prof.Jose Ramon Casiple na tumalakay sa pulitikal, halalan, at mga pagbabago sa ekonomiya ng bansa.

Sinabi ni Casiple sa ginawang media briefing tungkol sa pederalismo noong Miyerkules sa Crown Royal Hotel na ang korapsyon sa pamahalaan ay lubusang mawawala sa ilalim ng sistemang pederalismo.

Ayon pa kay Casiple, ang hindi pagkakapantay-pantay sa kita ng mga local government unit (LGU) ay malabo nang mangyari sa ilalim ng Pederalismo. Sa ngayon, aniya, ay umiiral ang palakasan system na kung sino ang malapit sa kusina siya ang may mas malaking pondo ang nakukuha.

“Ito ay malabo nang mangyari sa ilalim ng Pederalismo,” sabi pa ni Casiple. Dahil dito ay maiiwasan na ang kurapsyon, dagdag pa niya.
Ang media briefing ay dinaluhan ng mga kagawad ng Bataan Press Club, mga mag-aaral na mamamahayag, at iba pang media practitioners sa Bataan.