Sa pagdiriwang ng ika-79 na taong anibersaryo ng Araw ng Kagitingan, sinabi ni Gob. Abet Garcia na bagama’t ito ay paggunita ng pagsuko, ang araw na ito ang nagbukas sa lalawigan ng Bataan sa kamalayan ng buong mundo bilang sagisag ng sakripisyo at katapangan.
Sinabi pa ng magiting na Gobernador na muli ang buong mundo ay napapaloob sa isang digmaan, isang kakaibang giyera laban sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Sa temang, “Kagitingan ay Gawing Gabay, Pandemya ay Mapagtatagumpayan” sinabi ni Gob. Abet na, maipmpamalas natin ang ating kagitingan, hindi na sa pagpapaputok ng baril o kanyon o pisikal na pakikipagtunggali sa mga armadong kalaban, ang kailangan lamang ay maging matatag, determinado at pagkakaisa sa ating pagkilos upang puksain ang COVID-19.
Binigyang-diin pa ni Gob. Garcia na habang ginagampanan ng lahat partikular na ang ating mga frontliners ang mahahalagang tungkulin sa labang ito, ay naghahanda naman umano ang Pamahalaang Panlalawigan upang gawing ganap ang pagprotekta sa mga Bataeno sa pamamagitan ng pagbabakuna.
Ayon pa sa kanya, sa lalong madaling panahon ay hangad na mabakunahan ang mahigit sa 70 porsyento ng populasyon ng lalawigan.
Patuloy umano nating ipagtanggol ang ating mga tahanan at pamayanan sa pamamagitan ng disiplina, malasakit at manalig tayo na, sama-sama ay makakamit natin ang tagumpay laban sa pandemya patungo sa kinabukasang punung-puno ng pag-asa.