Sa isang simpleng paggunita sa Araw ng Kagitingan, minabuti ni Mayor Gila Garcia at ng mga kaanib ng Sangguniang Bayan na bigyan ng tig dalawampung libong piso ang dalawa pang natitirang beterano sa kanilang bayan bilang tulong.
Personal na inihatid ni Mayor Gila Garcia kasama sina Konsehal Igi Catli, Konsehala Sherry de Ausen, Konsehala Amy Muli at MSWDO Ofelia Mendoza, ang nasabing tulong kina Francisca dela Fuente, ng Barangay Kataasan at Rogelio Viray, ng Barabgay Mabini proper na parehong 94 na taong gulang. Lubos naman ang tuwa at pagpapasalamat ng mga nasabing beterano sa kanilang natanggap na tulong.
Sinabi pa ni Mayor Gila na ito ay ayon sa ipinasang SB Ordinance ng kanilang bayan na, bibigyang tulong ang mga beterano na tig dalawampung libong piso hangga’t mayroon pa sa kanilang bayan gayundin ang mga surviving espouses ng mga ito.
Sa darating na Lunes bibigyan naman ng tig limang libong piso ang 76 na natitira pang surviving spouses ng mga beterano, na personal din nilang dadalhin sa mga tahanan nito upang hindi na sila mahirapan pa na kunin ang nasabing tulong at upang personal ding makita ng mga opisyal ang kanilang mga kalagayan na baka nangangailangan pa ng ibang tulong.
Ayon pa kay Mayor Gila di man malaki ang kanilang naibigay ay malaking bagay na rin para sa kanilang gamot at makabili ng masusustansyang pagkain para humaba pa ang kanilang buhay.