Karanasan ng isang Beterano isinalaysay

 Isa si Ginoong Nicolas Bitun Cabalang, tubong Pamplona Cagayan, 97 taong gulang, may-asawa at kasalukuyang nakatira sa Maligay St. Cupang West Lungsod ng Balanga, Bataan sa mga nagtanggol at nakibaka para maibangon at makalaya mula sa mga kaaway ang mga Pilipino .

Si Cabalang ay miyembro ng Philippine Army sa Company F, Engineering 11th Division. Bagama’t kulang sa karanasang gumamit ng baril, pinilit niyang humawak nito at paputukin kapag  nakakasalubong nila ang mga kalaban hanggang sa siya ay mapabilang sa mga Girilyang nakikipagtagisan ng lakas at galing sa mga dayuhang Hapones na lumulupig sa ating lahi.

Tumatangis siya kapag nakikita niyang namamatay ang kanyang kasamahang sundalo sa kamay ng tumutugis na mga Hapones. Wala siyang magawa kundi sumama na lang sa paglilibing sa mga nasawing sundalo sa may tabing dagat ng Barangay Pantingan Pilar.

Kabilang si Cabalang sa nagpasabog sa tulay ng Barangay Sta. Rosa, Pilar habang gumagawa sila ng kanilang depensa sa bayan ng Bagac at dito na nagkaroon ng matinding paglalaban sa pagitan ng mga sundalong Pilipino at Hapones kung saan  marami ang namatay sa magkabilang panig.

Habang naglalaban ang magkabilang panig at unti unti silang nalalagasan naisip umano ni Cabalang na sumama sa mga magsasaka na nagsasaka  sa kabukiran ng Bagac.

Dito na niya nakilala si Rosita Mendoza na nagpatibok ng kanyang puso hanggang sa mauwi sa pagsasama na masuwerte namang nabiyayaan ng 4 na anak, 2 babae at 2 lalake na sa kasalukuyan ay pawang may mga pamilya na at masayang namumuhay sa Cupang.

Bagama’t nagpapasalamat siya sa tinatanggap niyang benipisyo mula sa Pamahalaang Nasyonal at Lokal ay may kaunti siyang hinanakit sa Pamahalaan ng Amerika dahil wala pa ni kusing ang ipinangakong ibibigay ng Obama Administration para sa mga Pilipinong Beterano noong World War ll.

Kamakalawa Abril 3, 2014 pormal nang pinasimulan, sa pangunguna ni Bataan Governor Albert  Garcia, kasama ang mga opisyal ng lalawigan at munisipalidad  ang paggunita sa Araw ng Kagitingan kung saan pitong araw ding bukas ang Trade Fair Galing Bataan.

Sa isang maikling talumpati ni Governor Garcia tiniyak nito na tuluy-tuloy ang pagbibigay ng mga benipisyo sa mga Beteranong Pilipino na nasa lalawigan ng Bataan, kabilang na rito ang Rice Subsidy at Philhealth.