Speech of President Aquino at the commemoration of Araw ng Kagitingan, April 9, 2014

    Sa panahong iyon, hindi po biro ang tinamo nating pinsala. Tinatayang mahigit isang milyong Pilipino ang nasawi mula sa populasyon natin noon na mahigit 16 na milyon lamang. Hindi rin mabilang ang mga taong napilitang mangibang-bayan o lumisan dahil sa kaguluhan at karahasan. Ayon nga po sa tala, sa Allied capitals ay pumangalawa ang Maynila sa Warsaw sa Poland sa lawak at tindi ng pinsalang naranasan natin noong panahon ng digmaan.

    Mahigit 70 taon na nga po ang nakalipas mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ibang-iba na ang sitwasyon ngayon. Ang mga bansang dating nasa magkabilang panig at nagpapalitan ng putok, ay nasa iisang bangka na lamang. Ang dating naggigirian, nagkamayan at nagyakapan na, at sinabing, “Kaibigan, tapos na ang gulo, magtulungan tayo.” Ang dating maliit na kolonyang dinurog ng digmaan, malaya at taas-noo nang nakikisagwan sa iisang direksyon tungo sa kapayapaan at ikauunlad ng lahat.

   At ngayon nga po, nagtitipon tayo upang tumingala sa Dambana ng Kagitingan—isang tanda ng pagbibigay-pugay natin sa kabayanihan ng mga beterano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig; isang sagisag ng pagbabalik-tanaw sa kagitingan at sa dinaanan nilang sakripisyo.

   Marahil nga po, kapag tinanong ng kasalukuyang henerasyon kung ano ang ibig-sabihin ng sakripisyo, ang pinakaangkop na sagot ay ang inyong halimbawa. Di po ba, kayong mga beterano ang buong-loob na sumuong sa peligro at kawalang-katiyakan, sa ngalan ng bandila? Sa harap ng dambuhalang hamon, tiniis ninyo ang gutom, uhaw, at sakit; hindi kayo nag-atubiling magtaya ng inyong buhay para sa kapakanan ng mas nakakarami.

   Sa halimbawa pong ipinamalas ninyo, buhay ang diwa ng pagka-Pilipino. Kaya nga po, lumipas man ang maraming taon, tuloy pa rin ang pagkilala ng estado sa inyong pakikiambag. Ang hangad natin: Sapat na pagkalinga sa mga beterano at sa inyong mga pamilya, upang tumbasan ang malasakit na ipinamalas ninyo noon.

   Nagkaroon nga po ng obligasyon ang inyong pamahalaan na arugain ang mga beterano. Ang masaklap nga lang po, sa listahan ng ating mga pensioner ay marami ang nakisali sa listahan at nakihati sa mga handog nating benepisyo, kahit hindi naman talaga sila tunay na mga beterano. Pero may good news po: Ipinapatupad na natin ngayon ang Pensioner’s Revalidation Program. Dahil sa pagsisigurong tunay na kabilang sa listahan ang bawat pangalan ng ating surviving pensioners, sa pagpasok ng taong ito ay tuluyan nang naipatigil ang pagbibigay-benepisyo sa 22,534 na accounts, habang 14,616 accounts naman ang nasuspinde. Ang resulta: naibalik ang pension remittances na nagkakahalaga ng P396.61 million. At nitong Marso, umabot na nga sa 133,784 na lehitimong beterano at kanilang   mga asawa ang binibigyang-serbisyo ng ating Philippine Veterans Affairs Office.  Tinitiyak nating sa mga karapat-dapat lamang mapupunta ang bawat pisong inilalaan natin mula sa kaban ng bayan.

   Pagdating po sa kalusugan, bukas ang pinto ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC), pati na ang iba nilang mga sangay sa kalakhang bansa, para kumakalinga sa ating mga beterano. Para sa taong 2013 nga lang po, umabot sa 17 million piso ang halaga ng serbisyong-medikal na nailaan para sa 1,092 na beterano. Ang maganda pang balita: pinalawak pa ng VMMC ang kanilang benepisyo para sa inyo—ngayon po, kabilang na sa listahang sagot ng gobyerno ang mga serbisyong tulad ng cataract operation, coronary angiogram, at cardiac bypass.

   Tumungo naman po tayo sa educational benefits ng inyo pong mga a dependents. Nitong nakaraang taon lang po, umabot sa 2,059 ang bilang ng mga estudyanteng napag-aaral ng PVAO. Ang alay naman nating tulong-pinansyal: umaabot sa P36,000 kada taon para sa bawat kuwalipikadong dependent ng ating mga beterano.

   Kasabay ng patuloy nating pagkalinga sa ating mga beterano, masigasig din nating sinisigurong ang mga sundalong nagseserbisyo ngayon ay may kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin. Sakaling kailanganin nating sumuong sa laban, hindi naman po puwedeng lakas ng loob lang ang sandata ng ating mga kawal. Para sa ating AFP Modernization and Capability Upgrade Program, nakapaglaan na tayo ng mahigit 36 bilyong piso at nakumpleto ang 38 proyekto mula lamang Hulyo ng taong 2010, hanggang Marso ng 2014. Kabilang dito ang mga modernong sasakyan at kagamitang pihadong magpapatibay pa sa ating Sandatahang Lakas. Sa ganito man pong paraan, ay mapapagaan natin ang mga hindi-birong tungkulin na kanilang tinutupad upang paglingkuran ang ating bansa.

   Isang halimbawa nga po nito ang sakripisyong inialay ng siyam sa magigiting nating mga Marino, sa pangunguna ni 1st Lieutenant Mike Pelotera, na huling nadestino sa Ayungin Shoal. Isipin na lang ninyo ang pambihirang sakripisyong ipinamalas ng kanilang grupo: Sa loob ng halos limang buwan, ang kanilang mundo ay uminog lamang sa karagatan. Halos wala silang komunikasyon sa kanilang mga pamilya; may mga pagkakataon pang hinaharang ang ipinapadala nating mga gamit at pagkain sa kanila. Araw-gabi, sakay ng nakatirik na BRP Sierra Madre, ay nakaangkla lamang ang kanilang dedikasyon sa pagtutok at pagbabantay ng ating teritoryo. Kaya naman po, kasama ng ating mga beterano, kabilang din ang mga kawal na tulad nila sa mga kinikilala natin ngayon. Saludo po ang sambayanang Pilipino sa inyo. 

   Naniniwala pa rin po tayo: hindi dapat makalimutan ang mga aral ng nakaraan. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang ating mga bansa, at nasaksihan natin ang malagim na bunga nito. Ngayon, malinaw naman pong magkakaibigan na tayo—nagkakaunawaan bilang mga kapwa-tao na may sariling mga adhikain at pangamba; naiintindihan na natin ang kaisipan, kultura, at paninindigan ng bawat isa; at nagtutulungan para makamit ang kolektibong mithiin ng ating mga bansa. Sa paraan nga pong ito, masisiguro nating hindi na mauulit pa ang madilim na kabanatang iyon ng ating kasaysayan.

   Marami na pong dinaanang pagsubok ang Pilipinas. Sa bawat hamon na tinugunan natin, lalong tumibay, lalong luminaw ang diwa ng ating pagka-Pilipino. Sa pagharap natin sa patong-patong na sakuna, ipinamalas nating hindi napapayuko ng anumang pagsubok ang Pilipino. Dinadaig natin ang salot ng katiwalian—kaya ngayon, kinikilala tayo bilang huwaran ng tapat na pamamahala. Iwinaksi natin ang pagiging “Sick Man of Asia” kaya’t kinikilala tayo ngayon bilang “Bright Spot” sa pandaigdig na ekonomiya. At sa araw na ito, ang Araw ng Kagitingan; sabayan naman ninyo ako sa pagdeklara: Pilipino ang tumitindig para sa tama. 

   Mapalad nga po ang kasalukuyang henerasyon ng mga Pilipino: hindi na natin kailangan pang lumingon sa malayo para makatanaw at makakilala ng mga huwaran. Mula sa mga pangalang nakaukit na sa bato, sa mga bayaning hindi na nagawang mailimbag pa sa libro, hanggang sa bawat Pilipino ngayong nakikiambag sa pagbabago—bawat tipak ng kadakilaan ang siyang bumubuo at nagpapatibay sa pagkakakilanlan ng lahing Pilipino: matatag, magiting, at handang tumugon sa anumang pagsubok.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.