Natuto na ang mga opisyal ng Penelco dahil noong nakaraang General Assembly, nagkaroon ng tulakan, hawian, at unahan kung saan marami umano ang nasugatan at nasaktan sa pagkuha ng mga grocery items na ipinamahagi ng mga Director. Ito umano ay sa dahilang ang unang 500 miyembro na dumating mismo sa Peoples Center ang siya lang makatatanggap ng mga nasabing grocery items na inihanda ng mga opisyal, kung kaya’t nang mag-unahan at magkagulo hindi na naapula ng mga marshals dahil sa dami na rin ng mga tao.
Pero nitong nakaraang Sabado, kahit na umabot sa 19,987 ang mga miyembro ng Kooperatiba na dumalo sa ginawang pag-uulat ng mga Director, naging maayos ang okasyon sa kabila ng mainit na panahon. Nagtayo ng tatlong pangksyon sa labas, mayroon sa harap at magkabilang panig ng Peoples Center na nilagyan ng mga malalaking speaker at monitor para malaman din ng mga nasa labas ang nagaganap sa loob.
Sa Taunang Ulat na binasa ni Pilar Penelco Director Christopher Pizarro umaabot sa 161,527 ang napailawan nitong 2013 na mas malaki ang bilang kung ikukumpara noong 2012 na 155,845 o 3.65 percent ang nadagdag na napailawan sa buong lalawigan.
Iniulat din ng Penelco ang kanilang pagbibigay ng serbisyo sa mga malalayong lugar sa mga kabundukan at lipat dagat tulad sa mga Sitio ng Malipano, Mangga, Patal, Rosevelt phase 34 at B sa bayan ng Dinalupihan, gayundin sa Sitio Tamato, Paper Mill phase-2 at Bapa Bangko sa bayan ng Abucay at sa Sitio Bo. Site phase-3 sa bayan ng Mariveles.
Idinagdag pa ni Pizarro, na sa kabuuan ng Energy Sales as of Dec. 31, 2013, nakapagtala ng 207,309 consumers mula sa mga residential, sa low voltage ay 106,050 habang 4,963 naman ang gumagamit ng high voltage na may kabuuang 358,32 consumers sa buong lalawigan sa power rate na 02.69/kwh.
Bukod dito bumaba umano ng 5% ang system loss nitong 2013 kumpara sa 8.06% noong 2012 o 6.81% mula noong 2000 hanggang 2013 ang nabawas sa mga ninanakaw na power ng ilang tiwaling consumers.
Kaugnay pa rin ng balitang ito nanawagan ang mga opisyal ng Penelco na isumbong sa mga kinauukulan ang lahat ng makikitang nagnanakaw ng power para maibaba pa ang system loss sa taong ito.
Samantala, hiniling naman ng mga consumers na mas lalo pang paigtingin ng Penelco ang kanilang sinimulang magandang serbisyo sa mamamayan at matupad sana ang ipinangako umano ng GN Power na ibababa pa ang power rate nito sa lalawigan ng Bataan.
Sa pakikiisa ni First District Congresswoman Herminia Roman ipinahayag nito ang kanyag paghanga sa mga opisyal at Director ng Penelco dahil sa maayos na pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayang gumagamit ng koryente.
Ayon pa kay Roman kung hindi dahil sa pakikiisa ng mga kasapi at pagsunod sa mga alituntunin na itinakda ng Penelco para sa mga consumers hindi magiging mabuti ang pananalapi at pag-unlad ng Kooperatiba.
Dumalo sa nasabing pagtitipon ang mga Director ng sumusunod na mga bayan : Hermosa-Edna Cruz, Limay-Alberto Villaruz, Mariveles-Almario Rubia, Bagac-Danilo Ricardo, Pilar-Christopher Pizarro, Dinalupihan-Fernando Manalili at Orion-Eric Pangilinan.
Wala sa pagtitipon ang mga Director ng sumusunod na mga bayan: Orani-Mauro Bernales, Samal-Mayor Gene dela Fuente, Abucay, Morong at Balanga City Director-Carlito Enriquez na sumakabilang buhay. Dahil dito ang buong staff ng PIO at Provincial Government sa pamumuno ni Governor Albert Garcia ay taus pusong nakikiramay sa naiwang pamilya at mahal sa buhay ni Director Enriquez.
Source:
http://www.penelco.com/tangway/