Naghain si Bataan 1st District Representative Tony Roman III ng Blue Economy and Finance Legislative Package na layong suportahan ang mga mangingisda at palakasin ang sektor ng pangisdaan. Kabilang dito ang iba’t ibang panukalang batas na magbibigay ng pondo, pasilidad, at mas malawak na akses sa pag-utang para sa maliliit na mangingisda.
Saklaw ng package ang ₱1 bilyong pondo para sa pautang, pagsasanay at cold storage sa ilalim ng Blue Finance for Small-Scale Fisherfolk Act, gayundin ang Fisheries Asset Collateralization Act na kikilalanin ang bangka, gamit, at huli bilang collateral. Kasama rin ang Fisheries Financing Empowerment Act na magtatatag ng Fisheries Financing Unit sa LandBank, at ang DBP Blue Finance Infrastructure Amendment Act para pondohan ang mga pantalan, pasilidad sa cold storage, aquaculture at coastal energy.
Bilang “mother bill,” nakapaloob din dito ang Blue Economy Act na magtatakda ng pambansang framework para sa paggamit ng yamang-dagat at bubuo ng Blue Economy Council. Ayon kay Congressman Roman, layunin ng package na gawing mas accessible ang pondo, mas matatag ang kabuhayan ng mangingisda, at masiguro ang pangmatagalang proteksyon at paggamit ng yamang-dagat para sa mga susunod na henerasyon.