Mariveles, kampeon sa revenue collection sa Gitnang Luzon

Pinarangalan ang Bayan ng Mariveles bilang Top 1 sa Highest Locally Sourced Revenues Collection at Top 2 sa Locally Sourced Revenues to Total Current Operating Income sa hanay ng mga munisipalidad sa buong Central Luzon, ayon sa Department of Finance–Bureau of Local Government Finance (BLGF) Region III.

 

Sa kanyang Facebook post, ipinahayag ni Mayor AJ Concepcion na ang nasabing pagkilala ay patunay ng mas pinaigting na pamamahala at tapat na pangongolekta ng lokal na pamahalaan.

 

Ayon sa BLGF, ang parangal ay bahagi ng kanilang Fiscal Sustainability Awards, isang taunang pagkilala na layuning sukatin ang kahusayan ng mga LGU sa pangongolekta ng lokal na kita gaya ng business taxes, real property taxes, at iba pang fees and charges.

 

Sinusukat dito hindi lamang ang kabuuang halaga ng nakolekta, kundi pati ang kontribusyon nito sa kabuuang operating income ng LGU—isang indikasyon ng pagiging mas independyente sa Internal Revenue Allotment o national transfers.

 

Nagpasalamat si Mayor Concepcion sa Municipal Treasurer’s Office, Municipal Assessor’s Office, at lahat ng kawani ng pamahalaang bayan sa likod ng tagumpay. Ayon sa kanya, ang pagkilalang ito ay kolektibong tagumpay ng buong Mariveles at magsisilbing inspirasyon upang lalo pang pataasin ang kita ng bayan para sa mga programang direktang pakikinabangan ng mga residente.

Leave a comment