Pormal nang sinimulan ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) at Bataan Peninsula State University (BPSU) ang talakayan para sa pagtatatag ng isang specialized BPSU-AFAB Campus sa loob ng Freeport Area of Bataan (FAB). Pinangunahan nina AFAB Deputy Administrator for Support Services Malou L. Herrera at BPSU President Dr. Ruby B. Santos-Matibag ang pagpupulong upang talakayin ang mga programang akma sa pangangailangan ng industriya at lakas paggawa sa loob ng freeport.
Ipinresenta ng BPSU ang mga posibleng program offerings at kinakailangang imprastruktura para sa nasabing campus, kabilang ang mungkahing three-story learning facility na kayang maglaman ng higit 200 estudyante. Nagkasundo ang AFAB at BPSU na simulan ang pagbalangkas ng Memorandum of Understanding at ang pagsasagawa ng feasibility study na ihahain para sa pag-apruba sa Kongreso.
Layon ng inisyatiba na gawing mas abot-kamay ang de-kalidad na edukasyong tumutugon sa kasalukuyan at hinaharap na pangangailangan ng labor force, upang makapaghubog ng mga Bataeñong handa at bihasa na magiging katuwang sa patuloy na pag-unlad ng Bataan.