SBMA, nag turnover ng mga lumang watawat para sa wastong paglilibing

SBMA, nag turnover ng mga lumang watawat para sa wastong paglilibing

Ipinasa ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang mga luma at kupas nang watawat ng Pilipinas na matagal na ring iwinawagayway sa harap ng kanilang administration building upang maayos na mailibing sa Mariveles, Bataan.

Pinangunahan ni SBMA Chairman at Administrator Eduardo Jose L. Aliño ang turnover ng mga watawat kay Alion Barangay Captain Vicielito Balan sa isang simpleng seremonya sa Chairman’s Office sa Subic Freeport noong ika-4 ng Marso.

Ayon kay Aliño, humiling ang Sangguniang Barangay ng Alion sa pamamagitan ng liham na maibigay sa kanila ang mga luma at sira nang watawat ng bansa upang maisama sa kanilang nakatakdang flag disposal ceremony. Nauna nang nagpasa ng resolusyon ang barangay noong Enero 5 para sa wastong pagtatapon ng mga lumang watawat, na gaganapin sa Marso 13 sa Flag Disposal Site sa loob ng Alion Barangay Hall Compound.

Ang naturang programa ay alinsunod sa mga ritwal ng wastong pag-dispose ng watawat na isinasagawa ng Boy Scouts of the Philippines, Girl Scouts of the Philippines, Armed Forces of the Philippines, at Philippine National Police. Matapos ang seremonya ng pagsunog, ilalagay ang abo ng mga watawat sa isang urn na ilalagak sa memorial site, alinsunod sa itinakda ng Republic Act No. 8491 na nagtatakda ng paggalang at pagbigay-pugay sa pambansang watawat at iba pang simbolo ng bansa.

Leave a comment