Part 6

Alamat ng Hermosa

Sinasabi ng mga naunang sumulat ng kasaysayan ng Hermosa na ang sinaunang pangalan ng nasabing bayan ay ‘Babuyan.’ Marami daw kasing mga baboy-ramo sa Hermosa noong araw, noong hindi pa dumarating ang mga Kastila sa Bataan.

Mayroon ding nagsulat na ang pangalawang pangalan ng Hermosa ay ‘Mabuyan.’ Ito umano ay hango sa pangalan ng isang uri ng matibay na baging (kagaya ngrattan) na dating nakikitang tumutubo sa kagubatan ng Bundok Santa Rosa at Santa Rita. Nakikita din umano ang baging na ito na tumutubo sa mga pampang ng Almacen River.

Walang tumututol sa dalawang kuwentong ito. Maaari ngang ito ay totoo at napalitan lamang ng Hermosa ang Babuyan at Mabuyan sa isang itinakdang panahon.

 

Simula ng Hermosa

Itinatag ng mga paring Dominikano bilang isang regular na bayan ang Hermosa noong Mayo 8, 1756. Sa simula ay tinawag nila ang Hermosa bilang “Pueblo del San Pedro Martir,” na hango sa pangalan ng mahal na patron ng nasabing bayan. Iyon naman ang kadalasang ginagawa ng mga prayle sa tuwing nagtatatag ng isang bagong pamayanan.

 

Mahalagang tandaan na bago ito naganap, ang Hermosa ay isang malayong baryo ng Orani. Noong maitatag na ang Hermosa bilang isang bayan, lahat ng paring Dominikanong nakatalaga sa Maynila ay nagkaisang magtago sa Hermosa, Bataan, matapos lusubin at sakupin ng mga Inglis (British) ang Maynila.

 

At sa pag-aalalang madali silang masusundan ng mga Inglis sa Orani, na siyang kilalang punong-himpilan ng mga Dominikano sa Bataan, ay pansamantala silang nagtago sa Hermosa na naging pansamantalang punong-himpilan ng mga Dominikano.

 

Sa isang pagpupulong ng mga pari at madreng Dominikano na nagtago sa Hermosa noong 1762, napagpasiyahan nilang baguhin ang pangalan ng Pueblo del San Pedro de Martir. Ang gusto nila ay isang bago, maganda at madaling tandaang pangalan.

 

At dito isinilang ang pangalang “Llana Hermosa,”na angkop lamang sa kagandahan ng paligid ng nasabing bayan. Ang “Llana Hermosa” ay salitang Kastila na ang kahulugan ay “Beautiful Plain” o “Magandang Lupain”na  angkop-na-angkop sa kabuuan ng nasabing bayan. Tinawag din ang nasabing bayan bilang“Hermosa” na ang katumbas naman ay “beautiful” o “maganda.”