Gamit ang HDI +++ report, iniulat ni Governor Joet Garcia ang mahahalagang datos ukol sa estado ng kalusugan at kabuhayan sa bayan ng Orani bilang bahagi ng kanyang ulat sa Bisita Bayan 2026 sa naturang bayan.
Sa larangan ng kalusugan, iniulat na wala pang naitatalang dengue at maternal mortality sa bayan hanggang katapusan ng Marso 2026, kumpara sa nakaraang taon na may dalawang dengue deaths at isang maternal death.
Samantala, bumaba rin ang child mortality mula 22 kaso noong nakaraang taon sa isang kaso ngayong taon. Gayunpaman, nananatiling hamon ang pagtaas ng adolescent pregnancy, na umabot na sa 39 na kaso sa unang quarter ng 2026.
Ayon sa datos, maaaring lumampas ito sa bilang noong nakaraang taon kung magpapatuloy ang trend. Patuloy ding tumataas ang kaso ng suicide sa lalawigan, na umabot sa 52 noong 2025, kung saan karamihan ay kalalakihan. Sa Orani, may naitala nang dalawang kaso ngayong taon, kaya’t paiigtingin ang mental health program katuwang ang mga institusyong pangkalusugan.
Sa usapin naman ng animal bites, tumaas ang kaso sa Orani mula 2,940 noong 2024 patungong 3,166 noong 2025. Binibigyang-diin ng pamahalaan ang kahalagahan ng pagbabakuna sa mga alagang hayop upang maiwasan ang rabies.
Samantala, positibo ang datos sa agrikultura kung saan tumaas ang produksyon ng high value crops mula 296 metric tons noong 2024 sa 331 metric tons noong 2025. Lumago rin ang produksyon ng bangus at whiteleg shrimp, na nagpapakita ng patuloy na pag-unlad sa sektor ng kabuhayan sa bayan.