LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Buo na ang plano ng Metro Bataan Development Authority (MBDA) at Kapulisan kaugnay sa pangangalaga sa kaligtasan ng mga motorista na magtutungo sa mga sementeryo para sa pagdiriwang ng Araw ng mga Patay (UNDAS) sa lalawigan ng Bataan.
Ayon kay MBDA General Manager Charlie Pizarro, nagdagdag na siya ng mga tauhan na siyang magpapatrolya at mangangalaga sa maayos na daloy ng trapiko at maglalaan ng tulong sa mga masisiraan ng kanilang mga sasakyan sa kahabaan ng Roman Super highway.
“Ang preparasyon ng MBDA sa darating na Undas ay upang gabayan ang lahat ng bibiyahe pauwi sa ating lalawigan at tumulong sa lahat ng mga nangangailangan at nasisiraan ng sasakyan gaya ng napaplatan ng gulong at iba pang aberya sa kanilang sasakyan. Mayroon ding mga motorist assistance desks sa kahabaan ng highway. Ang mga serbisyong ito ay mula sa pinagsanib na pwersa ng MBDA, Pulisya, Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), Rescue at mga Barangay Tanod.
“Sa dami ng sasakyan na inaasahan nating bibiyahe mula ika-30 at 31 nitong Oktobre maghapon at gabi ay hindi po tayo titigil hanggang November 2. Nakahanda na rin ang ating dalawang ambulansiya mula sa PDRRMO pati na ang mga ambulansiya sa bawa’t bayan, gayundin ang mga mekaniko ng MBDA“, pahayag pa ni Pizarro.
Dagdag na habilin ni Pizarro sa mga motorista: “doblehin ang pag-iingat sa pagmamaneho”.