Aabot sa 2.3M, naipahiram sa mga magsasaka at mangingisda

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Umabot na ngayon sa 2.3 milyon piso ang nai release ng Capitol Employees of Bataan Multi Purpose Cooperative (CEMBA MPC) bilang pautang sa mga magsasaka at mangingisda sa Lungsod.

Ayon Bb. May Hizon, Manager ng CEMBA ang nasabing pautang sa mga magsasaka at mangingisda ay ipinamahala sa naturang Kooperatiba para masigurong maibabalik ang perang ipinautang na galing sa badyet ng Department of Agriculture (DA).

Idinagdag pa ni Hizon na siguradong maibabalik ang nasabing pautang sa loob ng dalawang taon dahil bago ito irelease masusing ipinaliwanag sa mga magsasaka at mangingisda ang mga patakaran, bukod pa sa marami pang tulad nila ang gagamit nito.

Sinabi naman ni Aiza Pantaleon na kailangan munang umanib ang mga magsasaka at mangingisda na mangungutang bago sila mag qualify para sa nasabing programa.

Ang Production Loan Easy Access Program (PLEA) o Pahiram ng Puhunan para sa mga magsasaka at mangingisda na isa mga priority projects ng DA ay ipinamahala sa kooperatiba.

Bukod sa pagiging kaanib ng kooperatiba, isa rin sa mga kailangan upang makautang ay ang sertipikasyon at program of work mula sa City/Municipal Agriculture Office.

Ang programang ito ay inilunsad hindi lang sa Lungsod ng Balanga kundi sa buong lalawigan ng Bataan sa ilalim ng administrasyon nina Governor Albert Garcia, 1st District Congresswoman Geraldine Roman at 2nd District Cong.  Joet Garcia.

Nasa P5 milyon ang pondong nakalaan sa Lungsod ng Balanga para ipautang sa mga magsasaka at mangingisda.