banner

Agarang pagbabakuna sa mga may co-morbidity, sinimulan na sa lalawigan ng Bataan noong Martes

Written by
  • Shirley P.
  • 2 years ago

Sinimulan na noong Martes, ika-24 ng Mayo, ang pagbabakuna sa mga nabibilang sa Priority Group A3 o mga taong may co-morbidity sa lalawigan ng Bataan, pati na ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na nasa loob ng Provincial Jail sa lungsod ng Balanga.

Kaalinsabay nito ang patuloy na pagbabakuna sa mga nalalabing senior citizens na ginaganap sa pitong vaccination sites sa Balanga City, Orion, Limay, Dinalupihan at Mariveles.

Ang malawakang pagbabakuna ay naaayon sa layunin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan na maging mas mabilis at mas malawak ang maaabot ng mga bakuna kontra COVID-19 na dumarating mula sa pamahalaang nasyonal.

Naniniwala si Gobernador Abet Garcia na sa pamamagitan lamang nito magkakaroon ng mas pangmatagalang solusyon sa pandemyang kinakaharap.

Inatasan ng gobernador ang Provincial Health Office (PHO) na bigyang halaga ang pagbabakuna sa mga PDL upang maiwasan ang muling pagkakaroon ng outbreak sa Provincial Jail, kung saan marami sa mga PDL ay mga senior citizens at may co-morbidity.

Sinabi rin ng gobernador na inaasahang madaragdagan pa ang mga satellite inoculation sites sa Bataan sa iba’t-ibang bayan, pati na sa mga private companies na humihingi ng assistance sa pamahalaang lokal sa pagsagawa ng kanilang gawaing pagbabakuna katulad ng Petron, Freeport Area of Bataan, Camaya Beach Resort at Penelco.

Ani Gob. Garcia, “ginagawa po natin ang lahat upang masigurong magkakaroon tayo ng sapat na supply ng bakuna, manatiling efficient ang ating cold chain facility na maaring maging storage ng kahit anong uri ng bakunang darating, at maipamahagi ang mga ito nang mas mabilis sa mas maraming tao dahil layunin nating marating ang tinatawag na herd immunity.”

Sa kasalukuyan, 29,571 na ang bilang nga mga nababakunahan mula sa mga Priority Groups A1, A2 at A3 sa buong lalawigan simula pa noong ika-8 ng Marso, 12,258 dito ay nakatanggap na ng kanilang pangalawang dose. Ang kabuuang bilang ng bakunang natanggap na ng Bataan ay 32,730 single dose vials ng Sinovac at 2,420 multiple-dose (10-12) vials ng AstraZeneca.

Sa pagtatapos ay humingi muli ng patuloy na pang-unawa ang gobernador. “Konting tiis na lamang po at malapit na nating mapagtagumpayan at makita ang pagtatapos ng bangungot na ito. Sundin pa rin po nating lahat ang mga umiiral na health protocols upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng Coronavirus sa mga barangay. Nasa ating mga kamay pa rin ang malaking porsyento ng ating kaligtasan mula sa COVID-19. Sama-sama nating pagmalasakitan ang ating pamilya at kapwa-tao. Nagpapasalamat po ako sa pakikiisa ninyong lahat. Patnubayan nawa tayo ng Poong Maykapal.”

Article Tags:
· ·
Article Categories:
COVID-19 News · Featured · News

Leave a Reply

Shares