Ala-ala ni dating Cong. Tet, nanariwa sa pagbubukas ng The Bunker

Muling nanariwa sa lahat ng dumalo sa pagbubukas ng “The Bunker” ang alaala ni dating Cong/Gov Tet Garcia ng sabihin Gov. Abet Garcia na natupad na ang pangarap ng kanyang ama na magkaroon ang lalawigan ng Bataan ng isang makabagong gusali.

Matatandaan ayon pa kay Gov. Abet na ang pagkakaroon ng isang makabagong capitol building na kumpleto sa lahat ng modernong pasilidad ay nagsimula sa kanyang ama, na ang ideya nito ay isang makabagong gusali na naiiba at laging una ang lalawigan sa pagkakaron.

Kung kaya’t, ito’y isang realisasyon ayon pa sa magiting na Gobernador na nagsabi pang alam niyang natutuwa ang kanyang ama saan man ito naroroon dahil ang kanya umanong pangarap ay natupad na.

Ito rin ang naging buod ng Homily ni Bishop Ruperto Santos sa ginanap na misa sa pagsasabing lagi nating maaalaala si Gov. Tet Garcia kapag nakikita natin ang “The bunker” dahil sa kanya nagsimula ang pangarap na ito.

Ayon pa rin kay Bishop dapat na sinupin at ipagmamalaki ito dahil ito ang katibayan ng mahusay na pamamahala ng mga opisyal ng Bataan.

Samantala, sa kanyang mensahe sa pagdating ni Pangulong Duterte, sinabi niyang naging malapit ang kanyang ama sa Pangulo dahil umano naging magkasama ang mga ito noong 11th Congress, kung kaya’t gayon na lamang ang pasasalamat ng Gobernador sa pagdalaw ng Pangulo sa burol ng kanyang Ama.