ABUCAY, Bataan —- Upang mapangalagaan ang katahimikan ng pamayanan at ng mamamayan sa bayang ito, pagmumultahin o pagkakakulong ang ipapataw na kaparusahan sa sinumang mapapatunayang lumabag sa anti-noise ordinance na ipinatutupad sa lahat ng kapaligiran, estero, lansangan at kabahayan sa buong bayan.
Batay sa Kautusang Pambayan Blg. 270 na ipinasa ng Sangguniang Bayan (SB) na pinamunuan ni Vice Mayor Maria Khristine Dela Fuente sa kanilang regular na pagpupulong noong Hunyo 2, 2014 at pinagtibay ni Abucay Mayor Ana Santiago, na mahigpit na nagbabawal sa lahat ng makakagambala sa katahimikan at kapayapaan ng kapaligiran at kapitbahayan o anti-noise ordinance, ang sinuman na mahuhuli na lumabag sa nasabing kautusan sa ikatlong pagkakataon ay pagmumultahin ng P1,000 o pagkakakulong ng lima o pitong araw ayon sa hatol ng hukuman.
Sa unang paglabag ay bibigyan lamang sila ng babala ng pulisya katulong ang pamunuan ng barangay at sa ikalawang paglabag ay pagmumultahin na ng P500.00
Sakop ng nasabing kautusan ang mga lamayan sa patay, birthday, debut, kapistahan at iba pang pagdiriwang.
Gayunpaman, maaaring mabigay ng special permit ang barangay para makagamit ng videoke o karaoke sa mga nabanggit na okasyon sa kondisyon na hindi dapat lalampas sa alas 10:00 ng gabi ang pagpapatugtog nito.
Hindi na pwede ang malakas at maingay na pagpatugtog ng radio, stereo, karaoke, videoke at television gayundin ang anumang uri ng “amplified” na instrumentong pang-musika gaya ng gitara, piano, drums at iba pa.
Bawal na rin ang malakas at maingay na pagpupulong, inuman o kasiyahan na hindi kaaya-aya sa lahat, ang anumang uri ng harapan na nakaka-iskandalo sa kapitbahayan o mamamayan, at maging ang kwitis, fireworks o anumang uri ng paputok ng walang okasyon.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang malakas na pagpapatugtog ng musika ng mga pribado at pampublikong sasakyan, ang pagredondo ng mga motorsiklo at malakas at maingay na pagpapaandar nito, ang sunud-sunod na pagbusina ng mga sasakyan na sadyang nag-iingay at ang malakas na tambutso ng motorsiklo, tricycle at anumang uri ng sasakyan.
Hindi na rin maaaring itayo sa loob ng pamayanan ang lahat ng videoke bar, family karaoke at restaurant na may videoke.