Speech delivered by Mr. Fernando B. Yambao Jr., Top 1 in male dormitory, during the 4th graduation ceremony of ALS on September 29. 2016 at the Bataan District Jail Multipurpose Court
“Di ko nga alam kung dapat akong matuwa sa pangyayaring ito dahil kung hindi, baka hanggang ngayon ay ‘di ko pa kilala ang sarili ko. O kaya’y baka kasama na rin ako sa Extra Judicial Killings na cardboard ang nakasabit sa leeg na may nakasulat pang “ADIK, WAG TULARAN.”
Bilang kabataan, sabik akong matuto sa lahat ng bagay na sa tingin ko’y mahiwaga. Pakiram- dam ko, hindi pa ako ganap na tao kapag hindi ko pa ito alam o nasususubukan. Mahilig ako sa bago, lalo na sa mga bagong karanasan. Bagama’t alam ko ang tama at mali sa mata ng tao, ‘di ko pa rin magawang umiwas sa maling impluwensiya, at tuluyang makagawa ng pagkakamali. Naitanong ko tuloy sa sarili ko kung anong bukas kaya ang naghihintay sa akin.
Minsan na akong nawalan ng pag-asa lalo na nang ako’y mapiit. Karaniwan naman itong nang-yayari sa atin kapag mayroon tayong mabigat na problema o pagsubok na kinakaharap. Minsan, kailangan muna nating pagdaanan ang mga ganitong bagay para ituro sa atin ang katuwiran at katotohanan. Ika nga ng kasabihan, “Ang ating karanasan ang siyang ating dakilang guro.”
Naaalala ko noong ako’y nasa malayang lipunan pa, at nag aaral. Madalas sabihin nina Mama’t Papa sa amin na mag-aral kaming maigi, sapagkat iyon lang ang maaari nilang ipamana sa amin. Bagaman hiwalay na sila at may sari-sarili nang pamilya, inaasam at itinataguyod pa rin nila ang para sa aming ikabubuti at kinabukasan. Ginagawa nila ang lahat para rito. Ang mga sakripisyo, parangal, at lahat ng kanilang pagsisikap ay pinagsawalang-halaga ko.
Dala ng impluwensiya ng barkada, naligaw ako ng landas na taliwas sa gusto ng magulang ko, at siya namang nagdala sa akin dito. Di ko nga alam kung dapat akong matuwa sa pangyayaring ito dahil kung hindi, baka hanggang ngayon ay ‘di ko pa kilala ang sarili ko. O kaya’y baka kasama na rin ako sa Extra Judicial Killings na cardboard ang nakasabit sa leeg na may nakasulat pang “ADIK, WAG TULARAN.”
Sa pagbabalik-tanaw naman sa mga naunang buwan ko rito, wala na akong ginawa kundi magkaroon ng violation dahil sa hindi ko matanggap ang aking pagkapiit. Hindi ko lubos akalain na ang natatangi kong karanasan na ito ang siyang higit na makakapagturosa akin. Di lang dahil nagkamali na ako, kundi higit sa lahat, napagtanto ko ang aking nagawa. Malinaw na ngayon sa akin kung sino, at ano ang mga nais ko.
Masasabi kong sa pangyayaring ito sa akin ay nagkaroon ng direksyon ang buhay ko. Muling nannariwa sa akin ang mga pangarap ko noong bata pa ako. Nakita ko rin ang katotohanan na ang yugto ng buhay ng tao ay yugto ng pagkatuto. Ang tila madilim na yugto ng buhay ko ang naging daan upang mamulat ako sa liwanag.
Dala ko ngayon ang mga bagong aral na aking natutunan tungo sa bago at buhay na marangal na maari kong ipagmalaki sa iba. Ang mga bagong aral na itoy mahirap iwaglit sa isip, sapagkat bunga ng karanasang hindi malilimutan – iba ang uri, iba ang kapaligiran, at iba ang panahon. Walang sinumang taong nasa wisyo o tamang pag-iisip ang magnanais na ang kanyang pagkatuto at pagkamulat ay sa loob pa ng piitan magaganap.
Sino ba ang mag-aakala na ang residenteng halos linggu-linggong nabibigyan ng sanction dahil sa paglabag sa mga house rules ay titino, makakapagpatuloy ng pagaaral, at magtatapos pa na may matatamong karangalan? Maaring wala, ngunit ako na nasa inyong harapan ngayon, 21 taong gulang, halos apat na taon nang BJMP detainee at nagaaral ng ALS sa Bataan District Jail ang kongkretong katibayan ng pagbabago bunsod ng bagong aral.
Kaya naman, sa ngalan ng lahat ng detinadong nagsisipagtapos ngayon, lubusan ang aming pasalamat sa mga institusyong nagtutulung-tulong at nagbigay ng sagutin para sa aming edukasyon: ang Bureau of Jail Management and Penology, ang Bureau of Alternative Learning System ng DepEd at ang local na pamahalaan ng Bataan. Salamat sa inyong pagtutulungan na nagdulot sa amin ng pagbabago at pagsulong.
Nais ko ring magbigay halaga sa aking mga magulang maging sa aking tita na tinuring akong sariling anak. Salamat po sa inyong walang sawang pagkalinga at pag-intindi sa amin ni kuya habang kami ay naririto. Salamat at hindi ninyo kami pinabayaan. Para po sa aking pamilya ang mga karangalang ito.
Higit sa lahat, ang buong pusong pasasalamat ay iniaalay ko sa Panginoong Diyos na may akda ng ating buhay at tagapagdulot ng mabubuting bagay.
Sa mga kapwa ko detinadong nagsipagtapos, nawa ang mga bagong aral sa buhay na natutunan natin dito, yamang nag-iwan ng masidhing kakintakan sa isipan ay gawin nating gabay upang di na tayo muling maligaw. Sapat na ang mga pagkakamali natin noon para matutunan natin ang buhay na marangal. Muli, maraming salamat, at magandang araw sa ating lahat.